13/12/2025
π½πΌππππΌππ ππΌπππΌππΌππ II NAKAEENGANYONG PAGKAPANALO:
Magkasunod na Tagumpay ng Pulo ni Sara ES sa Kawayan Festival ng Maragondon
Matitingkad na kulay ng kasuotang tila ba nangingiliti sa paningin ng mga manonood ang nakabalot sa katawan ng mga mananayaw na umiindak ang mga bewang habang nakababad na lumalakad sa ilalim ng tirik ng araw. Ganyan ipinagdiriwang taon-taon ang Kawayan Festival na patuloy nilalahukan ng mga mag-aaral mula sa mga paaralang bumubuo sa bayan nito.
Sa gitna ng kalsadang bumubuo sa bayan ng Maragondon, kung saan ginaganap ang Street Dancing Competition, isa ang Paaralang Elementarya ng Pulo ni Sara sa mga kalahok at nag-uwi ng titulo ng pagkapanalo. Si Altricialyn Bashan, 12, isa sa mga mananayaw na nagrepresenta ng kanilang paaralan ang buong pusong natutuwa sa kanilang ikalawang beses na pagkapanalo sa patimpalak.
βSobrang saya po kasi sulit yung pagodβ, saad ni Altricialyn nang may tamis sa kanyang tinig.
Sa likod ng kanilang pagkapanalo, ay ang hangaring maipakita ang kanilang galing at talento, sa kabila ng takot sa mga salitang kanilang maririnig kung sakaling magkamali.
βGusto naming mairepresenta yung school po namin at maipakita po yung kultura ng Maragondon. Pero yung paghihirap din po na pag nagkamali ka, marami pong magjujudge,β ani Altricialyn.
Sa kabilang banda, si Lester Digma, 26, kanilang tagapagsanay, ay nabigyan lamang ng tatlong linggo upang sanayin ang mga bata sa darating na kompetisyon.
βAng sabi ko sa kanila, basta mag-enjoy lang sila, magiging maganda yung kalalabasan nβyanβ, paglalahad ni Lester, habang may malumanay na tono sa pananalita.
Hindi maikakaila na hindi naging madali ang daanang kanilang tinahak, dahil bukod sa pagod, kinakailangan din niyang disipilinahan ang mga bata sapagkat may mga pagkakataong malaro ang mga ito.
βYung mga bata talaga karamihan sa kanila is walang experience sa pagsasayaw, so gusto lang nilang maexperience ang street dancing. Pag practice, malaro sila, pero pag laban na, serious talaga sila, laban kung labanβ, salaysay ni Lester.
Dahil dito, nagawa nilang mabuo nang maayos at nakapupukaw atensyon ang kanilang sayaw sa init ng kalsada maging sa loob ng plaza. Sa huli, muli nilang naiuwi ang panalo sa ikalawang pagkakataon ng pakikipagtagisan sa patimpalak.
βSobrang saya, parang teacher, lahat ng tinuro ko, nakikita mo na may nangyayari. Kasi syempre karangalan nila, karangalan ko rin.β Dagdag pa ni Lester.
Mula sa matitingkad na kulay ng kanilang kasuotan hanggang sa init ng kanilang siglang dala sa kalsada, naging patunay ang mga mananayaw na lumiliwanag ang kultura ng Maragondon sa bawat indak. Sa kanilang muling pagwawagi, pinatunayan nilang ang Kawayan Festival ay hindi lamang selebrasyon, kundi isang saksi ng talento ng bawat kabataan sa bayan ng Maragondon.
Balitang lathalain isinulat ni Cherry Rose Binauhan
Dibuho ni Akeo Esguerra
Larawan kuha ni Marc Jharred Borbon