20/10/2025
“GHOST PROJECTS UNAHIN!” — CAYETANO SA DPWH: “PINAKAHAYAG NA KORAPSIYON, WALANG DAPAT ITAGO!”
Mariing ipinanawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na unahin ang pagsugpo sa mga “ghost projects” na aniya’y pinakamalinaw na anyo ng korapsyon sa ahensya.
“Ang ‘ghost projects,’ may pondo, may bayad, pero walang proyekto. Mas madaling tutukan ‘yan kasi halata at walang depensa ang may sala,” giit ni Cayetano sa budget hearing ng DPWH noong Oktubre 20.
Ayon sa senador, dapat maging dalawahan ang misyon ng DPWH — magpatayo ng imprastraktura at magpatino ng sistema.
“Hindi sapat na umiwas lang sa korapsyon. Dapat malinaw ang prioridad: unahin ang mga proyektong multo,” aniya.
Sang-ayon si DPWH Secretary Vivencio Dizon, na tiniyak na accountability at internal cleanup ang magiging pokus ng kanilang kampanya laban sa katiwalian.
Ibinunyag ni Dizon na mahigit 400 “ghost projects” na ang natukoy ng joint validation team ng DPWH.
“Anything that’s obvious, dapat aksyunan — whether sa ICI o Ombudsman. Ang punto, nasa DPWH ang mga papeles,” hamon ni Cayetano.
Iminungkahi rin ni Cayetano na obligahin ang mga district engineer at lokal na opisyal na kumuha ng larawan ng mga proyekto bilang ebidensiya ng aktwal na trabaho.
“Simple lang, kunan ng picture para may basehan at hindi puro papel,” dagdag pa ng senador.
Binigyang-diin ni Cayetano na ang malinis na pamamahala at mabilis na aksyon laban sa mga ghost projects ang simula ng tunay na reporma at pagbabalik ng tiwala ng publiko sa DPWH.
“Ayokong rebolusyon, gusto ko revival — pagbabago na may resulta,” pagtatapos ni Cayetano.