15/02/2026
ANG PAGSIBOL | BALITA
KNHS Dance Club, Nag-uwi ng Panalo!
Pinatunayan ng Kalumpang National High School Dance Club ang kanilang talento matapos magwagi ng Ikatlong Pwesto laban sa walong paaralan ng Lungsod ng Marikina sa katatapos na 2026 Division Festival of Talents(DFOT) noong Pebrero 13 - 14, 2026 sa Marikina Sports Center.
Layunin ng taunang paligsahan ng DFOT na maipamalas ng mga mag-aaral ang kani-kanilang talento at kasanayan sa iba't ibang masining na gawain tulad ng sayaw at pananaliksik, gabay ang temang "Empowering Filipino Youth: Unleashing Potentials in Creative Industries in the Era of Artificial Intelligence"
Panalo ng Ikalawang Pwesto sa Exhibition at Ikatlong pwesto sa Kabuuan ang KNHSDC sa kategoryang Balye sa Kalye - kombinasyon ng tradisyonal at modernong koreograpiya ng sayaw, maging ng makukulay na kasuotan.
Ayon kay Aime Kristine Paminiano, isa sa mga Dance Master ng grupo, "Nakaramdam po kami ng kaba, pero mas nangibabaw ang eagerness naming maipakita ang lahat ng pinaghirapan namin. Sinamahan namin ng mabigat na emosyon sa bawat galaw—isang galit, isang sigaw, at isang prinsipyo."
"Hindi lang araw—ngunit ilang buwan kaming nag e-ensayo at nagpapractice para lang mabuo ang aming sayaw, marami pa kaming napagdaanan—isa na rito ang mga pagsubok na aming hinarap dahil sa mga taong hindi naniniwalang importante ang sayaw, ngunit kami ay lumaban at sumayaw nang may paninindigan para sa paaralan", pagbabahagi naman ni Karla Santiago, ikalawang Dance Master ng grupo.
Ibinahagi naman ni Bb. Marisol Joy Tingson, tagapayo ng KNHSDC na "disiplina sa loob at labas ng training, continuous training bago pa ang competition, teamwork at pag-include sa students sa buong process ng pagbuo ng sayaw" ang naging sikreto nila upang makamit ang panalo.
✍️ Aime Paminiano Karla Santiago
📷 Maffin Tablante Damian