22/09/2025
Bakit nakakaranas ng hirap at pagsubok ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo kung sila ay totoong sa Diyos?
Sagot: Anuman ang edad, lahi, o estado sa buhay ng isang kaanib sa Iglesia, siya ay makakaranas ng mga hirap at pagsubok hindi dahil hindi siya mahal ng Diyos, kundi upang masubukan kung tunay ang kaniyang pananampalataya:
"Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan, para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo. Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig, dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan." I Pedro 1:6-9
Kaya huwag na tayong mataka sa mga dinaranas nating mga pagsubok, kundi ay maging handa sa pagtitiis habang tayoy nasa mundong ito:
"Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan." I Pedro 4:1,12
Walang pagsubok na ibibigay sa atin ng Diyos na hindi natin kakayanin, sapagkat siya ang magbibigay sa atin ng lakas at paraan upang itoy ating malampasan...
"Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito." I Cor 10:13
Ang dapat lamang natin gawin ay manalangin at magtiwala sa ating Panginoong Diyos:
"Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri." Santiago 5:13
"Magtiwala ka nang buong puso sa Panginoon at huwag kang manalig sa iyong sariling karunungan. Alalahanin mo ang Panginoon sa lahat ng iyong ginagawa at ituturo niya sa iyo ang tamang landas." Kawikaan 3:5-6
Sa halip na malungkot at mawalan ng pag asa, dapat tayong magpakatatag at magalak dahil mayroong gantimpalang naghihintay sa atin.
"Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang. Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan. Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal." Santiago 1:2-4, 12-16
Pakaasamin natin ang mapasama sa bayang banal kung saan makakapiling natin ang Diyos. Doon ay wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis at paghihirap...
"Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pahayag 21:3-4
-readme / James Montenegro