22/07/2025
Dalawang Most Wanted Person (Regional at Provincial Level), Arestado sa Magkahiwalay na Operasyon ng Pulisya
Camp Col. Bonny Serrano, Masbate City β NAARESTO sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad ang dalawang indibidwal na kabilang sa listahan ng Regional at Provincial Most Wanted Persons, na kapwa may kinahaharap na mabibigat na kasong kriminal, ayon sa Masbate Police Provincial Office.
Batay sa ulat, dakong 1:30 ng hapon nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, nang madakip sa JP Rizal Street, kanto ng Visayas Avenue, Brgy. Sta. Lucia, Quezon City si alyas "Undo", 60 anyos, isang coconut vendor na tubong Brgy. Cabas-an, Aroroy, Masbate at kasalukuyang naninirahan sa Purok Malinis, Brgy. Sikatuna, Quezon City.
Si Undo ay kabilang sa listahan ng Regional Most Wanted Persons, at naaresto sa bisa ng dalawang Warrant of Arrest para sa dalawang bilang ng Murder, sa ilalim ng Criminal Case Nos. 15397 at 15398, na inilabas ni Hon. Judge Jose Ronald M. Bersales ng Regional Trial Court, Branch 47, Masbate City noong Hulyo 8, 2025. Walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ang nasabing operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Aroroy Municipal Police Station (MPS) sa pakikipag-ugnayan sa Fairview Police Station 5 ng Quezon City Police District.
Samantala, bandang 11:00 ng umaga naman niting Hunyo 21, 2025, naaresto rin sa Sitio Cogon, Brgy. Mac Arthur, Monreal, Masbate si alyas "Alano", 40 anyos, isang fish vendor at residente ng nasabing barangay.
Kabilang siya sa Provincial Most Wanted Persons at nahaharap sa kasong Incestuous R**e na may kaugnayan sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act), sa ilalim ng Criminal Case No. 2365-2025.
Ang warrant laban kay Alano ay inilabas ni Hon. Judge Arturo Clemente B. Revil ng RTC Branch 50, San Jacinto, Masbate noong Hulyo 7, 2025, at tulad ng naunang akusado, wala ring piyansang inirekomenda.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Masbate Provincial Director PCOL JEFFERSON B ARAOJO sa aktibong pakikiisa ng mamamayan sa mga ikinasang operasyon. Aniya, patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan, seguridad, at kapayapaan sa buong lalawigan. MPPO NEWS RELEASE