
17/09/2025
HIGIT ₱1.5 MILYON NA DROGA, NASAMSAM SA MASBATE CITY
Tinatayang aabot sa higit ₱1.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng kapulisan sa isang operasyon kontra droga sa Brgy. Pating, Masbate City nitong Setyembre 16, 2025.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Jose Ronald M. Bersales, Executive Judge ng RTC Branch 47, Masbate City, naaresto ang isang High Value Individual (HVI) na kinilala sa alyas na “Alex”, 40-anyos, repairman, at residente ng nasabing barangay.
Dakong alas-5:20 ng hapon nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng Masbate City Police Station, Masbate PPO PIU-PPDEU, Masbate MARPSTA, at sa koordinasyon ng PDEA RO5 ang bahay ng suspek. Narekober mula rito ang tinatayang 222 gramo ng shabu na may street value na humigit-kumulang ₱1,509,600.
Isinagawa ang tamang dokumentasyon kabilang ang pagmamarka, imbentaryo, at pagkuha ng larawan ng mga ebidensya sa presensya ng mga itinalagang saksi. Ang suspek at mga nakumpiskang droga ay nasa kustodiya na ng Masbate City Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, muling nanawagan si PCOL Jefferson B. Araojo, Provincial Director ng Masbate Police Provincial Office, sa publiko na makiisa sa laban kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa mga awtoridad sa pagkakaaresto ng mga sangkot sa ilegal na gawain.
📷: Masbate PPO
Please Like, Follow & Share!