10/12/2025
‎TINGNAN || "Outside the Frame" Activity, Tampok sa Photojournalism Workshop ng The Ridge/Ang Taluktok
‎
‎Sa isinagawang School-Based Training and Workshop ng The Ridge/Ang Taluktok, ngayong araw, December 10, sa MSEMSAT Computer Laboratory, nagbigay si G. Vincent D. Pasatiempo, Teacher I ng SHS Department, ng masinsinang talakayan hinggil sa photojournalism at sa mahalagang papel nito sa mundo ng pamamahayag.
‎
‎Binigyang-diin niya na ang larawan ay isang makapangyarihang midyum na kayang maghatid ng impormasyon, emosyon, at konteksto na minsan ay hindi kayang ilarawan ng salita lamang.
‎
‎Tinalakay niya ang mga pangunahing kaalaman sa paggamit ng kamera—mula sa mahahalagang bahagi nito, tamang paghawak, pag-aayos ng ilaw, hanggang sa wastong komposisyon. Ipinaliwanag din niya kung paano nakatutulong ang mga elementong ito upang makalikha ng malinaw, makahulugan, at epektibong larawan na angkop sa larangan ng pamamahayag.
‎
‎Isa sa mga pinagtuunang bahagi ng talakayan ay ang paggawa ng mahusay na caption gamit ang 5Ws and 1H. Ayon kay G. Pasatiempo, ang isang larawan ay nagiging higit na makabuluhan kapag sinasamahan ng malinaw at tumpak na paglalarawan na nagbibigay ng tamang impormasyon sa mambabasa.
‎
‎Bilang praktikal na bahagi ng pagkatuto, binigyan niya ang mga kalahok ng gawaing may temang “Outside the Frame,” kung saan kinailangan nilang kumuha ng larawan at sumulat ng angkop na caption. Layunin nitong malinang ang kanilang pagkamalikhain at mailapat agad ang kanilang natutunan mula sa talakayan.
‎
‎Sa kabuuan, naging masigla at makabuluhan ang diskusyon ni G. Pasatiempo, na nag-iwan ng mahahalagang kaalaman at inspirasyon sa mga mag-aaral hinggil sa sining at disiplina ng photojournalism.
‎
‎Ang Saliwsiw | via J-del Suberano
‎📸 J-del Suberano
‎
‎
‎
‎