27/07/2025
𝗣𝗨𝗠𝗔𝗧𝗔𝗬 𝗡𝗚 𝗩𝗟𝗢𝗚𝗚𝗘𝗥 𝗡𝗔 𝗦𝗜𝗞𝗔𝗧 𝗦𝗔 𝗦𝗨𝗟𝗨, 𝗦𝗨𝗠𝗨𝗞𝗢
Nasa kustodiya na ng mga kinauukulan ang isang municipal councilor na umamin na sa kanyang pamamaril-patay nitong gabi ng Sabado, July 26, sa Barangay Umangay sa Patikul sa Sulu ng isang vlogger na popular sa probinsya.
Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sumuko nitong Linggo, July 27, si Mumarzhen Mañalas Suhuri, incumbent municipal councilor ng Patikul, kay Sulu Vice Gov. Hadji Abdusakur Tan, Sr. matapos niyang mapatay ang kanyang matalik na kaibigan na sikat sa kanilang probinsya na social media content producer na si Mohammad Mukzan.
Ang etnikong Tausug na si Mukzan, empleyado ng provincial office sa Sulu ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ay sikat kanyang kampanya, gamit ang Facebook, sa pagpapanatili ng mga tradisyunal na kaugaliang naglalayong magkaisa at magtulungan ang mga Tausug sa probinsya para sa kapayapaan at kaunlaran.
Unang nanawagan si Tan, namumuno ng multi-sector Sulu Provincial Peace and Order and Council, at ang mga opisyal ng ibat-ibang units sa probinsya ng PRO-BAR kay Suhuri na sumuko matapos siyang ituro ng mga saksi na siyang pumatay kay Mukzan gamit ang isang .45 caliber pistol.
Palabas na si Mukzan mula sa isang coffee shop sa isang beach resort sa Barangay Umangay sa Patikul at patungo na sana sa kanyang motorsiklong nakaparada sa tapat ng naturang establisemento upang uuwi na sa kanilang tahanan sa Jolo, kabisera ng Sulu, ng lapitan ni Suhuri at paputukan ng ilang beses ng kanyang bitbit na .45 caliber pistol.
Agad na namatay sa mga tama ng bala si Mukzan, ayon sa mga imbestigador ng Patikul Municipal Police Station.
Ayon sa mga municipal at provincial officials sa Sulu, nagkaroon ng tampuhan ang matalik na magkaibigan na sina Mukzan at ang nakakulong si Suhuri, magkaibigan at magkapatid ng turingan sa bawat isa, bago naganap ang naturang madugong insidente. (July 28, 2025)