
07/07/2024
AAPRUBAHAN na ng Food and Drug Administration (FDA) Philippines sa loob ng dalawang linggo ang kauna-unahang bakuna sa bansa kontra African swine fever (ASF) para sa commercial use, ito ang sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Laurel na ang commercial approval ng FDA ay susundan agad ng distribusyon ng naturang bakuna.
Ipinahayag ng DA Secretary na ang bakuna ay epektibo. “Ang bakuna mula sa Vietnam ay talagang epektibo. Kaya’t ito ang solusyon sa ating problema,” kanyang binigyang-diin.
Samantala, sinabi rin ni Tiu Laurel na ang Department of Agriculture ay magpopokus sa masusing pag-inspeksyon ng mga imported na produkto na pumapasok sa bansa.
Ang pagkakaroon ng ASF vaccine sa merkado ay inaasahang makapipigil sa pagkalat ng naturang sakit, ayon sa Department of Agriculture - Philippines.
Bagaman hindi delikado sa mga tao, ang ASF ay nakaapekto sa mahigit tatlong milyong baboy simula nang maitala ang unang kumpirmadong outbreak nito sa bansa noong 2019.