07/05/2026
Kailan Naging Normal ang Karahasan?
Noon pa man, mula sa sinaunang sibilisasyon, naging bahagi na ng buhay ng tao ang karahasan. Umiiral na ito bago pa man natuklasan ng sangkatauhan ang siyentipiko. Nakaasa ang kaligtasan sa pakikipag bakbakan—para sa pagkain, tirahan, lupa, at maging sa mga bagay na gustong angkinin ng tao na pagmamay-ari na ng iba(kapangyarihan, yaman, at kababaihan).
Ang mga mandirigma’y isinusulong sa mga laban na ang tanging nililingkuran lamang ay ang kanilang
mga pinunong sakim na naghahangad ng mas sobra pa sa kayang hawakan ng kanilang mga kamay. Kabisado na ng lupa ang mapait na lasa ng dugo; ang tubig ay sawa na sa kakalunok ng mga bangkay sa loob ng libo-libong taon (kung kaya’t hindi hadlang ang karagatan upang makipagdigmaan kung ang kapangyarihan at kaligtasan ang nakataya).
Hanggang ngayon, patuloy ang pag-iral ng karahasan, at umusbong pa sa iba’t ibang porma: karahasan ng pulisya, karahasan sa tahanan, karahasan sa midya—sa “social media” “online games”, sa pelikula—at higit sa lahat, sa digmaan.
Saksi ang mundo sa libu-libong digmaan. Ngunit kailangan pa ba itong magpatuloy? Dapat pa bang
tanggapin ng mundo ang pag-iral ng karahasang tila ba’y naging likas na sa ating pagkatao? Hanggang kailan ba natin hahayaan ang mga nakaupo na magpaputok ng kanyon at misil para sirain ang buhay ng iba—habang ang natitira sa populasyon ay walang magawa kundi ang panoorin ang balita at magbigay ng kaunting tulong?
Kailan ba naging normal ang araw-araw na karahasan?
Sang-ayon tayong lahat na mahalaga ang balita dahil nagsisilbi itong tagapagbigay ng impormasyon sa mga kasalukuyang nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Maging ang “social media” ay ginawa para makipagpalitan ng ideya at kultura, at makipagsalamuha sa mga tao mula sa ibang parte ng mundo. Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi natin maipagkakaila ang pagbabago ng nilalaman nito. Mula sa isang balita ng krimen sa malapit na lungsod, sa krimeng dulot ng pagseselos, hanggang sa digmaang sinimulan ng walang tamang dahilan kundi ang hangarin ng lubusang kapangyarihan—o dahil sa kagustuhang ilihis ang atensyon ng mga tao mula sa kanyang karumal-dumal na krimen na kanyang ginawa sa kababaihan at mga bata.
Bawat i-scroll natin ay paiba-iba ang nilalaman; mula sa nakakatawang “video” ng pusang sumasayaw, hanggang sa isang musmos na bata sa Gaza bitbit ang isang galon ng tubig na dapat sana’y papasok sa paaralan dala ang kanyang bag.
Siguro ito’y hindi lubos pansin ng karamihan, pero ang araw-araw nating pagkalantad sa karahasan ay
nagpapababa ng ating emosyonal, at pisyolohikal na kakayahan sa pagtugon sa sakit at pagdurusa na ating nakikita.
Paano ito nangyayari? Una, araw-araw tayong saksi sa iba’t ibang anyo ng karahasan. Ikalawa, tayo ay
nalulungkot at nakikiramay sa mga biktima, at ito ay normal lamang. Ikatlo, at ang pinakaimportante sa
lahat, napupuno tayo ng “stress” at “anxiety” mula sa mga nangyayari, at kung hindi natin pahihingahin
ang ating utak at emosyon, nagreresulta ito sa kamanhidan. Magbabago ang ating pananaw tungkol sa karahasan at krimen ng hindi natin napapansin. Kaya mahalaga na tayo’y magpahinga mula sa pakikibalita sa mga karahasang nangyayari sa mundo. Hindi nakabubuti sa atin ang sisirin ang dagat ng balita nang walang pahinga. Kung tayo ay nadadala na sa kamanhidan, nagbabago ang ating tingin sa karahasan at tatanggapin ito bilang pangkaraniwang bagay lamang—madalas ay nagmistulang aliwan sa ating cellphones at TVs.
Ito ang mapait na katotohanan. May mga tao na ginagawan na ng “content” ang mga mabibigat na
isyu—sa paraang tinatago ang kagustuhang manatiling “relevant” sa internet sa anyong “pakikiisa” o “ng tulong”. May ilan ring binibiro o ginagawang “meme” ang mga seryosong isyu. Ito ay tinatawag na “memefication”, ang ginagawa nito ay pasimple nitong hinuhubog ang pananaw ng mga tao sa mga importanteng bagay gaya ng digmaan, karahasan sa tahanan at iba pa. At ang nangyayari ay unti-unting nawawalan ng kakayahan ang isang taong makisimpatiya sa mga biktima o mga inaapi, at tuluyan nitong tinatanggap ang karahasan bilang bagong normal.
Ang mga problemang dulot ng karahasan ay hindi dapat minamaliit. Hindi dapat ginagawang katatawanan.
Bakit ka tumatawa habang iniikot sa ere ang sako na naglalaman ng pusa? Ang lakas ng inyong tawa ay nilulunod ang iyak ng hayop na wala namang ginagawang masama. Natalo ka lamang sa isang laro, pwede ka namang makipag-rematch, ngunit diretso ang pagbaon ng kutsilyo mo sa iyong kalaro bago ka tumakas, na tila ba nahuli ng pagdating ang iyong konsensya. Sabi nila’y nirerespeto nila ang Diyos, pero bakit ni isa sa kanila ay walang ginawa sa ibong nakatali sa string—ginawa siya ng Maykapal, pero nagmistula lamang props sa misa na tila ba laruan at walang pakiramdam. Ipinagmamalaki nilang sila ang
pinili ng Diyos, ngunit ipinagdiriwang nila ang kanilang mga sundalong walang tigil sa pag-aalipusta sa mga teritoryo ng mga Islam. Tutol ka sa aborsyon, sermon mo ang posibilidad na magiging buhay ng isang similiya o literal na “fetus”
, ngunit hindi ka man lang natinag sa libu-libong mga sanggol at bata sa mga ospital. Mga batang buo at buhay, subalit maikling oras lamang ang mayroon sila bago bumigay ang mga ospital sa malulupit na mga missil.
Nasaan ang ating pagkatao? Bakit tila ba’y nawalan na tayo ng kakayahang kumalinga sa nangyayari sa
mundo?
Hindi sapat ang sabihin na lahat ng ito ay kakilakilabot. Tao tayo, pinaniniwalaang pinakamatalinong nilalang sa katawang lupa, ngunit tayo lang rin pala ang pinakamarahas. Mas masahol pa sa mga dolphin. Sunod-sunod ang pag-imbento ng digmaan para sa sariling interes, walang pakialam kung ilang buhay man ang masawi(kakampi man o kalaban). Gumagawa ng krimen na hindi dapat sana posibleng gawin ng
kahit sinumang tao na may prinsipyo—posible lamang kung ang taong ito ay gahaman at naniniwalang siya ay higit na makapangyarihan sa batas at walang ni isang bahid ng pagsisisi. Kung kaya’t ginagamit nila ang pangalan ng Diyos habang nakatayo sa podium, mga kamay nila’y duguan ngunit hindi nakikita ng kamera.
Lahat ng ito ay nawalan na ng kontrol, at pagod na tayo. Pagod na tayo sa sistemang patriyarkal na isa sa mga nagpapasimuno ng walang tigil na kalupitan rito sa mundo. Nagkakaiisa tayo sa lansangan, sinisigaw ang kahilingang wakasan ang karahasan at pagmamaalisputa, ngunit ang mga nakaupo’y nagbibingihan.
Kung hanggang dito na lang ang estado ng ating pamumuhay, ang tanging trahedya lamang matapos ang lahat ng kalupitan ng patriyarka ay ang kawalan natin ng pagkatao. Kung natutunan nating tanggapin bilang normal ang karahasan, kaya rin nating itakwil ang ganitong pananaw. Kaya pa nating makaramdam muli, ibalik ang ating pagkatao at labanan ang karahasan—na ayon kay Mona Eltahawy, karahasan ang siyang ginagamit para manatili tayong sunod-sunuran sa sistema ng patriyarka . Sapagkat kung hindi tayo lalaban, hindi na lamang tayo saksi kundi parte na rin tayo ng problema at papanoorin na lamang natin ang lalong pag-usbong ng patriyarka
Essay ni Coleen Angel V. Delicano
Kartoon ni Archelyn V. Tordos
Layout ni Sharajean Maquiniana