25/08/2025
Dugong inalay para sa bayan, Katapangan at karangala'y hindi malilimutan
Taon-taon, tuwing huling Lunes ng Agosto, ipinagdiriwang ng buong bansa ang Araw ng mga Bayani. Patuloy pa rin nating kinikilala at pinararangalan ang mga bayaning Pilipino na nag-buhos ng dugo, nag malasakit, nag sakripisyo, at nag alay ng kanilang buhay para sa pangalan, kapayapaan, at pag-unlad ng Pilipinas, ngayong ika-25 ng Agosto taong 2025.
Isa sa mga makasaysayang bayaning kinikilala sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Emilio Aguinaldo sa paglaban nila sa kolonyalismo sa panahon ng Rebolusyong Pilipino noong taong 1896-1898. Sumunod ay si Ninoy Aquino, na naghandog ng buhay upang ibalik ang demokrasya at kinalauna'y naging simbolo nito. Ngunit, atin ding bigyang-diin kung sino-sino ang hindi kadalasang binabanggit ng mga tao. Sila ang mga bayaning nakikita natin sa ating pang araw-araw na buhay. Para sakanila rin ang araw na ito.
Kasama rito ang mga doktor at nurses na handang tumulong at manggamot, mga gurong naghahandog ng kaalaman, at mga sundalo't pulis na nagbabantay sa kaligtasan. Kasama rin dito ang bawat Pilipinong nagpupursige para sa pamilya, komunidad, at ekonomiya. Ito ay ang mga tahimik na bayani na madalas na hindi kinikilala, ngunit malakas at importante rin ang impluwensya sa ating bansa.
Higit pa sa pagbabalik-tanaw ang Araw ng mga Bayani. Lahat ng Pilipino ay may kwentong kinagisnan. May sari-sariling paraan, at kakayahang patuloy na umuunlad. Ito ay isang hudyat na paalala na buhay ang diwang Pilipino para sa tuloy-tuloy na pag-asa sa kinabukasan, nang sa gayon ay manatiling buhay ang diwang aral.