03/10/2025
𝗗𝗘𝗩𝗖𝗢𝗠𝗠 | Iniligpit na Karapatan ng Latag sa Lansangan
Hindi pa man tumitila ang malakas na buhos ng ulan kahit alas sais y media na ng gabi, binuksan pa rin ni Aling Charito, 50, ang tindahan niya ng balut, penoy, siomai, at palamig na nakalatag sa tinaguriang “Hepa Lane” sa Lungsod ng San Jose.
“Sayang kasi yung kita. Mahina na nga yung benta kasi gipit sa oras, mag-aaksaya ka pa ng araw ‘di ba?” pagpapaliwanag niya. Kabilang si Aling Charito sa mga vendor na naputulan ng oras sa paglalako sa kalye alinsunod sa direktiba ng Punong Lungsod Josel James Violago na ipinarating sa isang pagpupulong noong Agosto 8.
Mula sa nakasanayan ng mga vendor na pagbubukas tuwing ala una ng hapon, kung kailan dumadagsa ang bilang ng tao sa Hepa Lane, makapagtitinda na lamang sila pagpatak ng alas sais ng gabi. Nagbunga ito ng mas matumal na kita, at maging tuluyang pagtigil para sa iba.
𝗡𝗮𝗹𝘂𝗺𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗶𝘁𝗮 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝗯𝗮𝗴𝗼
“Nasa 20 years mahigit na’ko nagtitinda pero ngayon pinakamatumal talaga. Mas malaki talaga yung kinikita ko dati sa balut, tas ngayon eh mas malaki ang nawala sa amin lalo na nga ngayon at nabago yung oras ng pagtitinda namin, medyo umiksi kasi,” pagkukuwento ni Aling Charito. Aniya, umaabot sa 80% ang ibinaba ng naiuuwing kita ng mga tindera gaya niya.
Pagkadismaya rin ang ipinahayag ni Ate Armilyn, 31, dulot ng pagkaltas sa oras ng kanilang pagtitinda. Aniya, lubhang pagkalugi ang naging epekto ng regulasyon sa kanyang munting tindahan ng pizza.
“Kung dati nakaka-70 box [ng pizza] kami kada araw, ngayon yung 30 box ilang araw pa naming ititinda mula nung magstart yung [ganitong] pag-oopen namin,” pagsasaad niya.
Mas lalo pang lumubha ang kanyang pagkalungkot at panggagalaiti nang malaman niyang ang kawalan ng paradahan ng mga sasakyan sa palengke ang isa pang ibinigay na rason ng alkalde kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa nakatakdang oras ng kanilang pagtitinda.
Pagpapaliwanag niya, hindi makabuluhanan ang reklamo ng mga nasa loob ng palengke patungkol sa kawalan ng parking space gayong nawawala na rin naman ang mga sasakyan sa oras ng kanilang paglalatag.
Ayon kasi sa kanilang mga nagtitinda, tuwing papatak ang alas tres ng hapon talaga nawawala ang mga namamalengke. Siya rin itong pagdagsa ng mga parokyano at estudyante para makapagmeryenda.
Bukod sa pagkawala ng mga sasakyang namamarada raw sa palengke tuwing hapon, para kay Ate Armilyn, isa pang hindi makita-kitang suliranin ng pamahalaan ay ang kakulangan o hindi paggamit nang maayos sa itinayong rooftop parking sa taas ng pamilihang bayan.
“‘Yan ang [rooftop parking] ‘di ba dapat ang maging parking-an? Bakit ngayon eh hindi nagpapa-park. Hindi na rin alam kung para saan ba ‘yan,” muli niyang iwinika.
Ang naging dating tuloy sa kanila, bagaman humaba nga ang oras ng mga mamimili sa palengke na magkaroon ng pupuwestuhan ng kani-kanilang sasakyan, ang mga hanapbuhay naman ng mga katulad niyang tindera ang nawalan ng paradahan.
𝗣𝘂𝘄𝗲𝘀𝘁𝗼 𝗻𝗴 (𝗛𝗮𝗻𝗮𝗽)𝗯𝘂𝗵𝗮𝘆
Hindi na bago ang ganitong istilo ng pamamalakad sa mga palengke at bangketa. Sa katunayan, nang maupo muli si Mayor Isko Moreno sa Lungsod ng Maynila, agad niyang ipinahayag ang layunin na maibalik ang ‘kalinisan’ ng lungsod. Noong Hunyo 30, kasabay ng deklarasyon ng State of Health Emergency, inilunsad niya ang malawakang flushing at paglilinis ng mga pangunahing kalsada.
Kaakibat ng mga hakbanging ganito ang paghihigpit o ‘di kaya naman ay tuluyang pagbabawal sa mga nagtitinda sa bangketa at palengke kung saan inaatasan ng gobyerno ang mga kaukulang ahensya ng lungsod na panatilihin ang kalinisan at tiyaking hindi na muling makabalik ang mga tinaguriang “illegal vendors” sa pampublikong daan.
Bilang pagpapaliwanag sa hangarin, binigyang diin ng alkalde ng San Jose sa isang Facebook Live ng GT Radio ang rason kung bakit niya ibinaba ang utos na pagbabago. Ito ay matapos raw makatanggap ang ahensya ng Pamahalaan ng Lungsod ng samu’t saring hinaing galing sa mga “lehitimong negosyo” sa pamilihan.
“Lagi po nilang nirereklamo dati, na dahil mahirap na pong pumasok sa palengke at marami pong nagtitinda sa iba’t ibang lugar. Kaya naman po yung mga lehitimo pong nagtitinda, nahihirapan na pong kumita at nahihirapan na rin pong magbayad ng upa,” paglalahad ng alkalde, matapos maging mainit na usap-usapan ang isyu sa iskedyul ng pagbebenta.
Ngunit giit ng kumakatawang pangulo ng mga vendor sa Hepa Lane na si Kuya Ivan, “Matagal na rin naman kami rito, may lisensya rin naman kami, kasama kami sa mga lehitimong negosyante.”
Kaya naman nananatiling palaisipan kay Kuya Ivan kung bakit tanging mga negosyo sa loob ng mga establisyemento lamang sa palengke ang itinuturing na lehitimo gayong mayroon din naman silang lisensyang pinanghahawakan.
Kung pagbibigay ng prayoridad sa mga lehitimong negosyo lang ang ugat ng pagbabago, para sa mga tinderong katulad ni Kuya Ivan, taliwas umano ang dahilan kung bakit binago ang iskedyul na isinasaad ni Violago.
Para sa ilang vendors na dekada na ang pamamalagi sa mga kanto ng palengke at bangketa, hanggang sa kasalukuyan ay hirap pa rin nilang ipinaglalaban ang puwang nila sa lansangan.
𝗣𝗮𝗹𝗶𝘁 𝗞𝗶𝘁𝗮, 𝗣𝗮𝗹𝗶𝘁 𝗢𝗿𝗮𝘀
Nangako ang bagong administrasyon na hindi na sisingilin ng ₱50 kada araw ang mga nagtitinda sa food lane. Kapalit nito ang paglilipat ng oras ng kanilang pagtitinda. Ngunit ayon sa mga vendor, mas mabenta ang paninda noong mas maaga pa sila nakakapuwesto dahil mas nababawi nila ang singkwenta pesos na dati nilang ibinabayad.
Giit ni Kuya Ivan, kung tutuusin, hindi isyu ang ₱50 basta’t sapat ang oras, “Hindi yan kawalan sa amin, pero yung oras na binigay sa amin at nawala sa amin, ‘yun ang malaking kawalan.”
Bilang alternatibo, sinabi ni Mayor Violago na may opsyon silang magtinda sa bypass road ng Barangay Abar II. Libre rin umano ang pagtitinda roon. Ngunit mariing tinutulan ito ni Kuya Ivan dahil masikip na rin ang lugar at may sariling samahan ng mga vendor. Dagdag pa niya, abala para sa kanila ang maglatag ng tent at cart doon kung aalis din agad pagsapit ng alas-singko para bumalik sa food lane.
Samantala, nawala na rin ang mga blue cart na bigay ng nakaraang administrasyon na kanilang ginagamit sa pang-araw-araw na pagtitinda sa food lane. Inilipat ang mga ito sa Kolehiyo de San Jose, at ipinaliwanag din ni Kuya Ivan na posibleng hindi na maibabalik ang mga cart.
Sa halip, ipinangako ng alkalde ang pamamahagi sa 40 na mga nagtitinda ng bagong movable cart na de-gulong at magkakapareho ang disenyo. Ayon kay Kuya Ivan, ang magiging modelo ng food lane ay hango umano sa estilo ng Bangkok, Thailand.
Ngayong papalapit ang Pasko, tiniyak ng administrasyon na bago matapos ang Setyembre, makikita na ang pailaw sa food lane. Sa Nobyembre, sisimulan naman ang taunang pailaw sa lungsod. Pagkatapos ng Disyembre ay tatanggalin ang mga pailaw sa bayan, ngunit mananatili ang mga ilaw sa food lane, saad ni Ivan.
Ipinapakita ng sitwasyong ito ang pagbibigay ng alternatibong espasyo at kagamitan ng pamahalaan, kabilang ang mga inisyatibang naglalayong magdulot ng kaayusan at atraksyon sa lungsod. Gayunpaman, hamon pa rin ang pagtutugma ng mga patakarang ito sa araw-araw na karanasan ng mga vendor, sapagkat maaaring magbunga ng bagong balakid ang mga benepisyo ng polisiya kung hindi isinasaalang-alang ang kanilang praktikal na pangangailangan.
Habang patuloy na binibigyan ng subsidiya, kompensasyon, at alternatibong pamimilian ng hanapbuhay ang mga nagtitinda ng street foods sa Hepa Lane, ang nagkakaisa pa rin nilang hiling ay ang maibalik ang dating oras ng paglalatag, tumaas man ang binibigay na upa o bayad.
Sapagkat kung patuloy na makikipagsapalaran ang mga katulad nina Aling Charito, Kuya Ivan, at Ate Armilyn, na simulan ang pagbabanat ng buto kada gabi, mananatili silang salat sa oras at kapos ng kita araw-araw.
Para sa kanila, mas nanaisin pa nilang mababad sa usok ng ihawan kaysa sa kasalukuyan nilang kalagayan. At kung tuluyan ngang iligpit ang karapatan ng mga latag sa lansangan, hindi ang hangaring kalinisan sa kalsada at palengke ang maiiwan. Sa halip, ay ang bakas ng kapabayaan ng pamahalaan—na maging bukas sa hinaing ng mga katulad nilang manggagawa na hindi malimit pakinggan. | via ARDIE MIGUEL ONG & VINDREL VELASCO, CLSU Collegian
Photos by PAUL CRISTIAN GALANTA & JEMIMA PAGAD, CLSU Collegian
Layout by VINDREL VELASCO, CLSU Collegian