17/10/2025
๐๐๐ง๐๐ฅ๐๐ฅ๐ | May Hiwaga sa Pagsasaka ni Papa
Hindi ordinaryo ang aking Papa sa lahat ng Papa sa buong mundo, dahil hindi tulad ng iilan, mayroong mahiwagang kariton ang Papa ko. Hindi man ito kalakihan, o hindi naman kayaโy โsing ganda tulad ng mga mamahaling sasakyan, ngunit sobra-sobra naman ang tulong at mahika na naibibigay nito upang mapanatiling masagana si Papa at ang kaniyang pangkabuhayan.
Gawa ito sa matibay na uri ng kahoy kaya naman matatag at maasahan ang mahiwagang kariton ni Papa. Lagi niya itong ginagamit at kasa-kasama sa bawat pagsaka at pagbyaheng tinatahak niya. Sa tulong ng nag-iisa naming kalabaw na si Ismael, sinasakyan niya ito upang makarating siya sa kaniyang bawat patutunguhan. Gayunpaman, higit pa sa pagiging gulong at kahoy ang halaga ng mahiwagang kariton ni Papa sapagkat ito rin ang kaniyang katuwang sa pagdadala ng mga sako-sakong kargahin na hindi kayang dalhin ng kaniyang mga kamay.
Saksi ako sa lahat ng kontribusyon at tulong na naibigay ng mahiwagang kariton ni Papa sa buhay namin. Ito ang nagsisilbing tagapagsalo sa lahat ng bigat na iniinda ng Papa ko tuwing tutungo siya sa bukid upang magsaka. Ilang taon na rin itong nagse-serbisyo sa amin ni Papa, mula sa bawat pagkalugi niya, magpahanggang sa bawat pag-ani niya ng kaniyang mga pananim. Ang mahiwagang kariton ni Papa ang buhay at pag-asa ng aming tahanan, at marahil ay hindi ako makatu-tungtong sa kolehiyo kundi dahil sa tulong nito.
Isang araw, galing sa bukid ay umuwi ang Papa ko nang hapong-hapo. Hindi man ito bago, ngunit kapansin-pansin na tila hindi niya kasama ang kalabaw naming si Ismael, pati na ang mahiwagang kariton na araw-araw nitong hinihila sa bawat maghapon.
โNasaan po si Ismael? At nasaan po ang Kariton ninyo, Pa?โ salubong ko sa kaniya.
โBinenta ko na si Ismael at ang Kariton natin, anak.โ Malungkot na tugon ni Papa.
Nagulat ako sa binitiwan niyang mga salita. Ilang katanungan ang isa-saโy nagpagulo sa isipan ko. Ano ang rason, at bakit hinayaan ng Papa kong mawala ang hiwaga sa buhay namin? Bakit niya ibinenta ang kariton at kalabaw naming nagbibigay ng kaginhawaan sa bawat paghihirap na kaniyang iniinda sa pagsasaka?
Hindi na niya ako hinayaan pang makapagsalita muli, at sa halip ay inilabas niya mula sa hawak-hawak na plastic bag ang mga pagkaing marahil ay binili niya kani-kanina lang sa malapit na sari-sari store. Isa-isa niyang dinampot mula sa supot ang pakete ng mga pampalasa, ilang piraso ng bawang at sibuyas, dalawang delata, isang pakete ng instant noodles, at kalahating kilo ng bigas, saka ay pumaroon sa kusina upang magsimulang magluto.
Ilang minuto lamang ang lumipas matapos magluto si Papa ng aming hapunan, ngunit hanggang ngayoโy hindi pa rin nawawala ang pagkabagabag sa aking isipan. Litong-litoโy unti-unti akong sumubo ng kaniyang bagong lutong corned beef at kaning sinaing, nang unti-unti ay naramdaman kong muli ang hiwagang tanging nararamdaman ko lamang sa tuwing aking aalalahanin ang kariton ni Papa. Sa bawat pagnguya ko sa pagkaing kaniyang inihanda ay waring unti-unti rin akong nilalamon ng katiwasayan at kahiwagaan sa pakiramdam.
Hindi ko na lamang namalayan pa ang pagbuhos ng mga luha galing sa โking mga mata, na sinabayan din ng lakas ng pag-ulan, pagkulog at pagkidlat mula sa kalangitan, wariโy nakikisimpatiya sa aming nararamdaman at nararanasan. Binalot ako ng init ng pagyakap ng aking Papa, na siyang sinundan ng paghaplos nito sa aking likuran, inaalo ako mula sa lubos na pananangis.
Sa pagkakataong iyon ay napagtanto kong sa pagitan ng dilim at kaliwanagan ay sagana pa rin kami, sapagkat tuluyan mang nawala sa amin ang kalabaw at karitong tanging nakapagbibigay ng tulong at kaginhawaan sa aming buhay, ngunit nananatili pa rin ang hiwaga sa aming tahanan, na siya namin pang payayabungin kasabay ng kaniyang mga pananim. Nangako ako kay Papa na sa gitna ng pagiging salat, pananatilihin kong mulat ang aking mga mata sa kabila ng lahat. Hinding-hindi ko hahayaang habambuhay ay iindahin niya nang mag-isa ang hirap para lamang mapanatiling masagana hindi lang ang aming hapag-kainan bagkus ay ang hapag-kainan din ng ibang pamilya.
Ilang taon ang lumipas, nang isang gabiโy sinorpresa ko si Papa. Pag-uwi niyaโy lubos na hindi maipinta ang kaniyang hitsura dahil sa kaniyang nakita. Bitbit ang aking diplomaโy sinalubong ko siya ng isang mahigpit na yakap. โPa, graduate na po ako. Kaunting panahon na lang at maibibili ko na po kayo ng higit pa sa isang Kariton at Kalabaw para sa pagsasaka ninyo.โ
Lubos ang galak at pasasalamat ni Papa. Animoโy sasabog na ang kaniyang dibdib sa labis na tuwang nararamdaman. โProud ako sa โyo, anak. Salamat. Muli nang babalik ang hiwaga sa buhay natin.โ
Sa sandaling iyon ay lubos akong napaisip sa naging tugon ni Papa. Kung tutuusin, hindi naman nawala ang hiwaga sa buhay namin, kayaโt hindi na nito kailangang manumbalik pa. Sa halip, yumabong pa nga ito, at ngayoโy nagbunga ng aking pagtatapos sa kolehiyo, salamat sa naging pagpupunyagi ni Papa.
Ooโt tunay na nawala sa amin si Ismael at ang Kariton niyang matagal na nakapagbigay ng kahiwagaan sa buhay namin, ngunit hindi natatapos sa kanilang pagkawala ang kahiwagaang iyon, sapagkat ang tunay na hiwaga ay nananatili, nananahan at nakaukit sa kaniyang puso, at sa kaniyang mga palad na magaspang, madungis at puno ng mga pilat na siyang testamento ng kaniyang paghihirap.
Sumagi rin sa isipan ko ang ilang mga katanungan. Ilan kaya ang kabataang natulungan ng hiwaga sa pagsasaka ni Papa para mapasakamay ang pangarap nilang diploma? At ilang tulad ko pa kaya ang dahil sa kahiwagaang ito ay mabibigyan ng pagkakataong mangarap at magtagumpay?
May hiwaga sa pagsasaka ni Papa, at napagtanto kong wala iyon sa alinmang materyal na bagay o pagmamay-ari niya. Ang hiwagang iyon ay nasa puso ng isang magsasakang patuloy na bumabangon sa gitna ng pagod at kawalan ng katiyakan. Isang pusong may lakas na magtiis, magsakripisyo, at magpursigi para sa pangarap at pamilya, sa kabila ng lahat ng unos, kakulangan sa suporta, at araw-araw na gutom at inhustisya.
Sa hiwaga ng puso niyang iyon, nasaksihan ko ang alab ng isang pag-ibig na hindi lamang nabubuhay para sa sarili at sa pamilya kundi para na rin sa bayan. Isang pag-ibig na nagsisilbing sandigan ng dangal, pinagmumulan ng lakas ng loob, at apoy ng rebolusyon. Sa bawat pagtibok ng kaniyang puso ay naririnig ko ang isang sigaw ng matibay na paninindigan, at sa bawat pagsasaka ay nahahayag ang tahimik na pagtutol sa sistemang patuloy na kumikitil sa bawat katarungan.
Kayaโt tulad niya ay hindi rin ako mapapagod. Hindi ako mapapagod sa pagmamahal at pakikibaka. Magpapatuloy din ako upang bumoses, para sa isang kinabukasan na karapat-dapat para sa kaniya, at sa lahat ng pesanteng pilit na pinatatahimik ngunit kailanman ay hindi mananakawan ng pag-asa. At tulad niya, hinding-hindi ko hahayaang maglaho ang hiwaga sa pagsasaka.
Isinulat ni Ember
Dibuho ni Janelle Soreรฑo
Inianyo ni KC Fhie Sator