14/11/2025
LITERARY | Makitid na Lakaran, Para sa Kinabukasan
Sa Pilipinas, mahirap.
Bago makamit ang pangarap,
dadaan muna sa makitid na lakaran,
iniiwasan ang mga kotse sa kalsada,
sabay iwas din sa dumi ng eskinita—
malalaking poste, maduduming basura.
Pagsakay sa bus at tren,
nakatayo at nakakapit nang mahigpit.
Halos matumba na sa bawat preno.
Sa jeep nama’y kasing hirap—
naguunahan, hinahabol pa,
siksikan na, parang sardinas sa lata.
Sabay pa ng rush hour,
ang trapik na tila walang wakas
sirang ilaw sa kanto’y sumasagabal
busina’t usad, hindi na umandar.
Sa byahe’y nakatulog na,
pagdilat ko’y, gabing gabi na
Madalas tinatamaan ng bagyo,
kapalit ay isa na namang hirap at sakripisyo.
Kaunting ulan, agad naiipon ang tubig.
Sa taas ng baha, kami’y pilit na lumulusong.
Basang damit, nanginginig sa lamig,
tinitiis para sa kinabukasang inaabot.
Ito’y iilan lamang sa mga problema’t suliranin,
na kailanman ’di n’yo mapapansin at mararanasan,
kayong mga nakaupo ngayon.
Inaasahang magsisilbing sandigan ng mamamayan, ngunit—
pondo para sa bayan, ginamit sa karangyaan.
Kahit ilan lamang sa pamilya, tila eksibit ang mga sasakyan.
Kapit lang, sabi ng bawat Pilipino,
kahit trapik o baha, tuloy pa rin sa lakad nito.
Pagod man, lagi pa ring nakangiti,
handa sa hamon, araw-araw bumabawi.
Lakas ng loob, di kayang igupo,
ganito ang commuter—matatag, totoo.
Written by Leandra Aloc
Publication Material by Santino Sanidad
For more updates, like and follow The Green Herald's page!📲