01/09/2025
“Hindi Nila Alam”
Kala nila drama lang ako.
Na lahat ng salita ko ay kwento ng kahinaan,
na parang wala akong ibang alam gawin
kundi magreklamo, maglabas ng bigat, magpakita ng sugat.
Pero hindi nila alam…
araw-araw akong lumalaban.
Araw-araw akong bumabangon kahit basag na ang loob,
kahit paulit-ulit akong nauuntog
sa dingding ng katahimikan,
ng kawalan ng makakaintindi.
Pagod na rin akong umunawa.
Pagod na akong lagi na lang silang inuuna,
habang ako—
ako ang laging panghuli, ako ang laging natitira.
Hindi nila alam kung ilang beses kong tinanong sarili ko:
“Ok pa ba ako?”
Pero ni minsan, wala pa yatang nagtanong nun sa akin.
Laging “Kamusta ka?” na walang pakialam sa sagot.
Laging “Kaya mo ‘yan” na para bang obligasyon kong kayanin lahat.
Akala nila malakas ako,
akala nila kaya kong bitbitin ang bigat ng mundo nila,
pero sino ba ang bubuhat sa akin
kapag ako na ang nadapa?
Kapag ako na ang hindi makahinga?
Minsan gusto kong sumigaw:
“Hindi ako bato! Hindi ako robot!”
Napapagod din ako.
Nauupos din ako.
At sa bawat pagod na hindi nila nakikita,
unti-unti akong nauubos.
Kung tutuusin, hindi ako humihingi ng malaki.
Hindi ko kailangan ng palakpak,
hindi ko kailangan ng parangal.
Ang gusto ko lang—
may magtanong sana,
“Ok ka pa ba?”
at handang makinig sa sagot,
kahit hindi maganda, kahit hindi magaan.
Kasi sa huli…
hindi drama ang lahat ng ito.
Tao ako.
At tao ring napapagod