03/11/2025
π¦π¨π₯π-π¦ππ₯π¬π | QUEZON: Ang Pelikulang Humahamon sa Paniniwala
βππͺπ© π¬ππ©π π©ππ π€π‘π, ππ£ π¬ππ©π π©ππ π£ππ¬.β Sa ganitong linya binuksan ni Jerrold Tarog ang pelikulang Quezon, ang panghuling bahagi ng tinaguriang Bayaniverse Trilogy na sinimulan ng Heneral Luna (2015) at Goyo: Ang Batang Heneral (2018). Tampok si Jericho Rosales bilang Manuel L. Quezon, at opisyal itong ipinalabas sa ilalim ng produksyon ng TBA Studios noong Oktubre 2025. Simula nang ipalabas, patuloy itong nangunguna sa mga pelikula sa bansa.
Sa unang tingin, tila isa lamang itong pagtatangkang muling buhayin ang kasaysayan. Ngunit sa masusing pagbasa, ang Quezon ay higit pa sa pagsasadula ng kabayanihan. Ito ay mapanuring pagtanong kung paano nabubuo, nababago, at minsan ay nasisira ang mga imaheng matagal nating itinuring na banal sa pambansang kamalayan.
Matagal nang inilatag nina Tarog at ng TBA Studios na bahagi ng proyekto ang pagbibigay ng bagong tinig sa pelikulang historikal. Sa mga nakapanood ng naunang pelikula sa trilogy, makikita ang malinaw na paglihis ng ikatlong pelikula sa dating estilo at naratibong pamamaraan ng mga nauna, na nagpapahiwatig ng mas sinadyang pagbabago sa direksiyon at perspektibo ng may-akda. Kayaβt nang ipalabas ito, umalingawngaw ang sari-saring reaksiyon: pinuri ng ilan ang tapang nitong kalikutin ang imahe ng dating Pangulo, habang kinuwestiyon naman ng iba ang kakulangan umano ng konsultasyon sa pamilya Quezon. Higit pa rito, ipinakita ng pelikula na ang kasaysayan ay hindi pag-aari ng nakaraan; ito ay larangan ng patuloy na pag-uusap at pagsusuri.
Dito umuusbong ang mga tanong: hanggang saan ang saklaw ng sining sa pagbabalangkas ng alaala? At bakit tila nagiging banta ang bagong interpretasyon sa mga tagapag-ingat ng lumang larawan? Ipinahihiwatig ng pelikula na ang kasaysayan ay hindi saradong aklat, kundi isang buhay na ugnayan ng pananaw, gunita, at pananagutan.
Mula sa teknik, ginamit ni Tarog ang konsepto ng film within a filmβisang metaporikal na paraan ng pagtanaw sa kasaysayan bilang pelikula sa loob ng pelikula. Sa paggamit ng black-and-white silent reel bilang pambungad at sa mga reenactment na waring kuha sa lumang pelikula, ipinakita niya ang pelikula bilang kasangkapan ng pag-alala at paglikha. Ginamit niya ito bilang tulay upang mapadali ang pag-unawa ng manonood sa daloy ng mga pangyayari habang pinananatili ang lalim ng komentaryo.
Sa pagtalakay naman sa usaping pulitika, malinaw ang balanseng pananaw. Sa mga eksenang tumutukoy sa Jones Law at TydingsβMcDuffie Act na isinulong ni Quezon, tinatalakay ang manipis na linya sa pagitan ng idealismo at kompromiso. Isa ito sa mga puntong ginamit ng pelikula upang hamunin ang manonood na magtanong kung ang kabayanihan ay nakabatay lamang sa resulta, o kung itoβy makikita rin sa mga pag-aalinlangan ng lider. Hindi inilarawan ni Tarog si Quezon bilang ganap na malinis na pulitiko, kundi bilang taong may kakayahang magkamali, magpasya, at magduda. Sa ganitong paraan, ang mga talata sa aklat ng kasaysayan ay nagiging buhay na tanong na kailangang sagutin ng kasalukuyan.
Ang usaping etikal hinggil sa konsultasyon ay mahalagang bahagi ng diskurso ukol sa pelikula. Ipinakita rito na ang tanong na βKanino ang kasaysayan?β ay hindi lamang ligal o moral; ito ay intelektuwal. Nakipagkonsulta ang produksiyon sa mga mapagkakatiwalaang historyador at sanggunian upang palalimin ang historikal na konteksto. Ngunit isang kapansin-pansing hamon ang kahirapan nitong malinaw na ihiwalay ang mga elementong batay sa katotohanan mula sa malikhaing imbensyon, na maaaring makaapekto sa paraan ng pagtanggap ng manonood. Gayunpaman, kailangang igiit na ang pelikula, bilang sining, ay interpretasyon ng malikhaing pananaw ng direktorβhumango man sa totoong pangyayari, laging dumaraan sa salΓ ng kaniyang pag-unawa, sensibilidad, at layuning estetiko. Hindi dapat ituring ang pelikula bilang pangunahing batayan sa pagkatuto ng kasaysayan, kundi bilang daluyan ng pagninilay, diskurso, at mapanuring pagtatanong.
Hindi rin ipinagkakaila ng pelikula na marami rito ang pinalabis para sa entertainment value. Dito pumapasok ang peryodistang si Joven Hernandez at ang anak niyang si Nadia, mga karakter na nagsilbing tulay ng taumbayan sa loob ng trilogy. Mula pa sa Heneral Luna, sila ang mga saksing natutong magtanong sa halip na sumamba. Sa huling bahagi ng pelikula matatagpuang nagsagupaan sina Quezon at Hernandez, isang simbolo ng tunggalian ng awtoridad at kritikal na kamalayan. Hindi lamang ang mamamahayag ang hinamon ni Quezon, kundi pati na rin ang manonood upang matutong mag-isip nang higit sa ipinapakita.
Sa produksiyon, kapansin-pansin ang disiplina sa direksyon ni Tarog at ang malinaw na pagkakahanay ng kaniyang bisyon bilang direktor at editor. Sa tulong ni Rody Vera sa iskrip, nailatag ang mga diyalogong matalino at may bigat ng damdamin, na nagpapanatili ng balanse sa pagitan ng drama at intelektuwal na lalim. Ang pagganap nina Jericho Rosales (Quezon), Romnick Sarmenta (Sergio OsmeΓ±a), at Mon Confiado (Emilio F. Aguinaldo) ay nagbigay-diin sa komplikadong katauhan ng Estado at ng mga pinunong nasa likod nito, na nagbukas ng bagong pananaw sa kasaysayan ayon sa interpretasyon ng manunulat. Isinabuhay nila ang ibaβt ibang stratehiya at paraan ng pamumuno ng mga pulitiko, kalakip ang kani-kanilang motibo at paninindigan.
Ang Quezon ay pelikulang humahamon sa kulturang pagsamba sa mga bayani at pulitiko, ipinapakita na ang kabayanihan ay masalimuot, hindi perpekto. Isa itong paanyaya sa taumbayan na gamitin ang kanilang boses at suriin ang kanilang paniniwala. Sa panahon kung saan mabilis lumabo ang hangganan ng katotohanan at kathang-isip, ito ay mahalagang ambag sa pagpapanatili ng kritikal na kamalayan. Ang kasaysayan ay hindi banal, hindi neutral; ito ay patuloy na binubuo, pinupuna, at minamanipula. Nakasalalay sa manonood kung paano ito tatanggapin o hahamuninβsapagkat sa huli, ang tunay na lakas ng pelikulang historikal ay nasa kakayahan nitong pukawin ang malayang pag-iisip at mapanuring pananaw sa mga bayani at sa nakaraan.
Isinulat ni: Ma. Elisha Lexan V. Cacnio (H12-C)
Inilikha ni: Via Adrienne P. Madrid (H12-A)