19/10/2025
THE HEIRESS' GUARD
Written by: Miss Eryl
Chapter Thirty
"SAAN KA PUPUNTA?" ulit na tanong ng bantay. Malaki ang katawan nito at malaki ang boses na parang mangangain ng buhay kapag lumapit sa 'yo.
Natigilan si Elisa at mabilis na nag-isip kung ano ang idadahilan. "Ah, eh... dadalhan ko lang ng pagkain si Señorita Veronica at nagdala ako ng damit na pamalit niya," ani niya.
Tumingin sa orasan pambisig ang lalaki at saka tumingin sa kanya.
"Hindi pa oras ng pagkain. Mamaya ka na pumasok sa basement." Hinila siya nito palayo at tumayo sa harap ng pintuan.
"Ang bilin ni Mrs. Deborah ay pakainin ko nang maaga si Señorita, bihisan at ayusan... ikaw din, kapag nagalit si Mrs. Deborah, ikaw ang ituturo ko," pananakot niya.
"Aba... aba... tinatakot mo ba ako?"
"Hindi naman, sinasabi ko lang ang maaaring mangyari." Lumapit siya sa bantay at binulungan ito.
Tumango-tango ang lalaki at, ilang sandali pa, pinadaan siya nito papasok sa basement.
"Bilisan mo, bibigyan kita ng tatlumpung minuto para gawin ang pinag-uutos ni Mrs. Deborah."
Malawak ang kanyang pagkangiti dahil napapayag niya ang bruskong bantay. Mabilis siyang kumilos at pumasok patungo sa basement.
Tatlumpung minuto—ang binigay na oras sa kanya. Kailangan lang niyang bilisan ang pagkilos upang makalabas sila ng basement. Hindi na niya poproblemahin ang ibang bantay dahil nagawan na niya ito ng paraan. Binigyan niya ang mga ito ng tig-isang tasa ng kape na may pampatulog, sigurado siyang bago pa magising ang mga ito ay tiyak na nakalayo na sila.
Bawat minutong tumatakbo ay mahalaga, kung kaya't lakad-takbo ang kanyang ginagawa upang mabilis na marating ang basement.
Humahangos na pumasok siya sa loob ng basement at pasigaw na tinawag ang pangalan ni Veronica.
"Señorita Veronica!"
"Elisa!"
Agad niyang nilapitan ang dalaga at niyakap ito nang mahigpit.
"Akala ko ay hindi ka makakarating," saad nito.
"Darating ako, Señorita, katulad ng pangako ko, itatakas kita... tatakas tayong dalawa."
"Thank you, Elisa," naiiyak na saad ng dalaga.
"Kailangan na natin umalis, bago pa magising ang mga bantay."
Inalalayan niyang tumayo si Veronica. Kahit hirap ang dalaga sa pagtayo at na-out of balance ito ay pinilit pa rin nitong ihakbang ang mga paa.
"Señorita, sumampa ka sa likod ko." Umupo siya upang makasampa ang dalaga sa kanyang likuran.
Nag-atubiling sumampa si Veronica sa likod niya. Matangkad siya nang kaunti sa dalaga at parehas na petite ang kanilang katawan, pero sa kalagayan ni Veronica ay natitiyak niyang gumaan ito dahil medyo pumayat ito.
"Pero.." nag-aalinlangan na saad ng dalaga.
"Sige na, Señorita, sumampa ka na sa likod ko."
Kahit may pag-aalinlangan ay sumampa si Veronica sa likod ni Elisa. Dahan-dahan na tumayo si Elisa at saka humakbang palabas ng basement. Kahit hirap sa pagpasan sa kanyang Señorita ay tiniis niya. Mabilis ang kanyang mga hakbang hanggang sa marating nila ang pinto palabas ng basement.
Ibinaba niya muna si Veronica at saka nagpalinga-linga sa paligid, agad niyang kinuha ang malaking kahoy at saka binuksan ang pinto. Wala siyang inaksayang oras, pagkabukas ng pinto ay pinukpok niya ng hawak-hawak na kahoy sa ulo ng bantay. Ilang hampas ang ginawa niya, bago tuluyang bumagsak ito sa lupa, may bahid ng dugo ang noo. Agad niyang binalikan si Veronica at isinampa sa kanyang likod at mabilis na lumabas.
Pasalampak na naupo si Elisa sa damuhan nang marating nila ang labas. Halos habulin niya na ang kanyang hininga dahil sa pagod at hingal.
Humiga pa siya sa damuhan at napahalakhak dahil sa kasiyahan na nararamdaman.
"Nagawa natin, Señorita!" sigaw niya.
Humiga na rin si Veronica sa damuhan at tumawa nang malakas katulad ni Elisa.
"Sigurado akong manggagalaiti sa galit si Mrs. Deborah kapag nalaman na nakatakas ka," natatawang saad ni Elisa.
"I know." Kumislap ang mga mata ni Veronica. Ngayon pa lang ay alam na niya kung ano ang gagawin niya sa mag-inang iyon.
Biglang bumangon si Elisa sa damuhan nang may marinig na sasakyan papalapit sa kanila.
Tumayo siya sa gitna ng daan at kumaway-kaway upang mapansin siya ng drayber. Hindi naman siya nabigo at hinintuan siya ng drayber ng trak.
"Manong, saan ang punta ninyo?" tanong niya.
"Sa kabilang bayan," sagot nito.
"Maaari po bang makisabay kahit sa kanilang bayan lang," pakiusap ni Elisa.
Luminga-linga ito at tila nagdadalawang-isip kung papayag ba ito.
"Eh, marami akong kargang mga kopra at bigas masyadong maliit ang aking trak para sa ating apat," tanggi nito, at saka bumaling ng tingin sa kasamahan.
"Ganoon po ba?"
"Oo, pasensiya na."
Narinig ni Veronica ang usapan kung kaya't sumagot na siya sa usapan.
"Babayaran kita, Manong!" sigaw niya.
Nilapitan naman siya ni Elisa upang alalayan na maglakad.
"Babayaran kita, Manong. Sabihin mo sa akin kung magkano ang kailangan mo," ani ni Veronica.
"Naku, Miss, pasensiya na, hindi talaga maaari," patuloy na pagtanggi nito.
"How much all of this?" Sinipat ng tingin ni Veronica ang laman ng trak.
Mga balat ng niyog na kinagkuprahan ang laman ng trak at sako-sakong bigas ang laman nito.
"Babayaran kita... Isang daang libo, dalhin mo kami sa Maynila," she offered.
"Eh, pasensiya na po talaga, Ma'am," tanggi nito.
"Three hundred thousand?"
Nagkatinginan ang drayber at ang kasama nito. Pigil ang hininga ni Elisa habang hinihintay ang sagot ni Manong Drayber. Alam niyang kakagat ito dahil sa laki ng perang ibabayad ng dalaga.
"Walang problema, basta sumunod ka lang sa usapan, Ma'am."
Lumawak ang ngiti ni Veronica. Abot-abot naman ang pasalamat ni Elisa dahil tuluyan na silang makakatakas sa kasamaan ni Deborah.
"SENORITA Veronica, narito na po tayo."
Tinapik ni Elisa si Veronica upang gisingin ito. Mahaba-haba rin ang kanilang nilakbay pabalik ng Maynila, dagdag pa ang hirap na dinanas nito sa mga k**ay ni Veronica, kaya't ramdam nito ang matinding pagod.
Unti-unting idinilat ni Veronica ang mga mata, pagkatapos ay inilibot ang tingin sa buong paligid.
"Señorita, nandito na tayo sa mansyon," nakangiting saad ni Elisa.
Lumawak ang ngiti ng dalaga nang masilayan ang mansyon. Bumaba ang driver ng trak at ang kasama nito upang alalayan silang bumaba.
Matapos maibigay ang halagang ipinangako ni Veronica at ang kasunduan na kalimutan at isiping hindi sila nagkita ng driver ng trak, na ipinangako naman ng lalaki, ay agad itong nilisan ang lugar.
Laking gulat ng mga kasambahay sa pagpasok sa loob ng mansyon nila ni Veronica. Para silang nakakita ng multo nang makita sila.
"Elisa...Señorita?" gulat na saad ni Aling Ising, ang tagapagluto sa mansyon.
Umarteng walang pakialam si Veronica. Kailangan niyang mapaniwala ang mga tao sa mansyon na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakaalala.
"Elisa, dalhin mo na ako sa kuwarto ko, gusto ko nang magpahinga," utos ng dalaga.
"Opo, Señorita."
Pagpasok sa loob ng kuwarto ay agad niyang dinampot ang telepono at i-dial ang numero ni Jervis.
"Jervis..."
"Veronica, ikaw ba 'yan? Nasaan ka? Okay ka lang ba?" sunod-sunod na tanong ng binata.
"I want you to go home right now, I have something to tell you," ani ng dalaga.
"Sandali, nasa mansyon ka ngayon?"
"Yes, tsaka na ako magpapaliwanag."
Ibinaba ni Veronica ang telepono at hindi na hinintay ang sagot ng binata. Tumingin ito sa buong mansyon at malalim na nag-isip.
Alam nitong may susunod pang hakbang na gagawin ang tiyahin, kaya't ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nito ang posibleng mangyari. Sa mga oras na ito, ngayon lang naisip ng dalaga na mahalaga si Jervis at hindi nito kaya ang mag-isa—ang lumaban nang walang sinuman na kakampi. Sa mga oras na ito, tanging si Jervis ang naisip ni Veronica na lubos na makakatulong.
To be continued...