08/11/2025
| Silangang bahagi ng Camarines Sur, kabilang ang Naga City, isinailalim na sa Wind Signal No. 2
Sa pinakahuling weather bulletin ng DOST-PAGASA ngayong 11:00 a.m., mas lumakas pa ang bagyong Uwan habang binabaybay nito ang karagatan sa silangan ng Eastern Visayas.
Itinaas na sa Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 2 ang silangang bahagi ng Camarines Sur (Siruma, Tinambac, Goa, Lagonoy, Buhi, Caramoan, Tigaon, Garchitorena, Calabanga, Sagñay, San Jose, Presentacion, Baao, Ocampo, Milaor, Nabua, Bato, Camaligan, Pili, Iriga City, Magarao, Minalabac, Balatan, Naga City, Bombon, Bula, at Canaman), gayundin sa Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Ticao Islands.
Samantala, nakataas pa rin ang TCWS No. 1 sa Camarines Norte at sa nalalabing bahagi ng Camarines Sur at Masbate, kabilang ang Burias Island.
Huling namataan ang sentro ng bagyo kaninang alas-10 ng umaga sa layong 680 km silangan ng Borongan City, Eastern Samar, o 760 km silangan ng Catarman, Northern Samar.
Taglay ni Uwan ang lakas ng hangin na 140 km/h at bugso na umaabot sa 170 km/h, habang kumikilos pa-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Batay sa forecast track, posibleng dumaan nang napakalapit ang mata ng bagyo sa Catanduanes bukas ng umaga bago ito tumama sa kalupaan ng timog Isabela o hilagang Aurora bukas ng gabi, Nobyembre 9, o Lunes ng madaling-araw.
Ayon naman sa weather advisory ng PAGASA, ngayong araw hanggang bukas, Nobyembre 9, ay makararanas ng matinding pag-ulan o torrential rain na higit sa 200 mm ang Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, at Sorsogon, na posibleng magdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa.
Nagbabala rin ang PAGASA sa banta ng storm surge o daluyong na maaaring umabot sa 3 metro, o lagpas isang palapag, sa mga baybaying bahagi ng Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Catanduanes, at Sorsogon.
Pinag-iingat ng PAGASA ang publiko sa banta ng bagyong Uwan, na posibleng maging ganap na super typhoon mamayang gabi o bukas, Nobyembre 9. | via Robin Jan Pangilinan, Online Content Editor
Batayan: DOST-PAGASA