
21/09/2025
Kung patuloy na nauuhaw sa salapi ang may kapangyarihan, ang mga kabataan ngayo’y mas uhaw sa tapat at magandang panunungkulan. Hindi kami narito lamang upang ipagbunyi ang mga natatamong karangalan sa kompetisyon sapagkat hindi nagtatapos sa mga medalya ang adhikain naming wakasan at kalampagin ang administrasyon patuloy tayong binabastos at pinaglalaruan.
Kung patuloy ang pagsasawalang-bahala ng pamahalaan para sa ating mga hinaing, hayaan natin silang mabingi hanggang sa matauhan na tayo ang may hawak ng kapangyarihan. Kaya natin silang pabagsakin gamit ang daluyong ng pawis at luha na puno ng kolektibong galit at protesta. Kaya natin silang kaladkarin papunta sa rehas gamit ang ating mga pinagsama-samang tinig.
Sapagkat hindi nagtatapos sa komemorasyon ng Batas Militar ang langitngit ng ating damdamin dahil hindi pa rin napuputol ang lingkis ng dinastiya ng katiwalian at korapsyon. Maaaring matapos sa pagsapit ng alas dose ng gabi ang komemorasyon ngunit patuloy na dadagundong ang alingawngaw ng mga peryodistang handang isulat sa madilim na kalangitan ang inhustiyang nakabinbin pa rin ilang dekada na ang nakalilipas.
At sa bawat pahina ng kasaysayang aming ililimbag, sisiguraduhin naming hindi na muling malulunod sa katahimikan ang sigaw ng mga mamamayan. Hindi kami hihinto hangga’t hindi napupunit ang tabing na nagkukubli sa kasakiman, at hindi kami matatahimik hangga’t ang bawat kabataan ay hindi muling nakakakilos sa lipunang batid ang hustisya. Ang pluma at ang tinig ng kabataan ay magsisilbing punyal na dudurog sa bulok na haligi ng kapangyarihan, at ang mga lansangan ay muling magiging entablado ng ating sama-samang paglaban.
Sapagkat ang kinabukasan ay hindi ipinagkaloob ng iilan, ito ay ipinaglalaban ng nakararami—at kami ang magiging unos na huhugas sa bahid ng katiwalian at sa sugat ng bayan.
Sa ating mga nagkakaisang tinig at layunin, wawasakin ng ating mga pagtatambol ng panlipunang reyalidad ang tanikala at siklo na pumipiring sa ating mga lider at maging mga mamamayan na kumawala sa sistemang lumulumpo sa ating mga pangarap tungo sa isang maayos, malinis, kasaya-saya, maluwalhati, at higit sa lahat, matuwid na pamahalaang kumikilala sa ating mga karapatan sa mabuting pananalapi at paggamit ng yaman ng taumbayan.
Dahil sa kolektibong pagtindig, kaisa ang Bicol Association of Student Campus Journalists (BASCAJ) at mga pahayagan sa Bikol sa panawagang panagutin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at kontratistang sinasamsam ang kaban ng bayan. Mariing kinukundena ng organisasyon ang korapsyon at anumang uri ng pananamantala ng mga nasa kapangyarihan na patuloy na nagpapahirap sa mga nasa laylayan.
Hindi imposibleng mapanagot ang mga sangkot, nagawa na natin ito noon. Kung muling gagamitin ang nagkakaisang boses, magwawagi ang taumbayan. Ito ang aming panawagan na makamtan ng mga mamamayan, hindi lamang ang katotohanan kundi maging ang matibay na paninindigan na mabawi lahat ng kinamkam gamit ang kanilang mga upuan.