26/08/2025
๐๐ฎ๐๐ฎ๐ป๐ด ๐ก๐ถ๐น๐๐น๐๐ป๐ผ๐ฑ ๐ป๐ด ๐๐ฎ๐๐ฎ๐ธ๐ถ๐บ๐ฎ๐ป
#๐ข๐ฃ๐๐ก๐ฌ๐ข๐ก | Bulok na sistema. Iyan ang salitang bumabalot sa kontrobersiya ng mga 'ghost flood control projects' na muling naglalantad ng pagkabulok ng pamahalaan. Habang nilulunod ng baha ang mamamayan, nilulunod naman ng bilyon-bilyong pisong halaga ang mga tiwali. Sa halip na kaligtasan, kasakiman ang itinayo ng gobyerno sa ating bansa.
Noong Agosto, lumabas ang balitang nagkaroon ng proyektong nagkakahalaga ng P55.9 milyon sa Baliwag, Bulacan na bayad na nang buo ngunit walang bakas ng konstruksyon. Mismong Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakakita nito at nagpahayag ng matinding galit. Ngunit higit pa rito, ayon sa datos ng Department of Public Works and Highways, may P5.9 bilyong piso para sa 85 flood control projects sa Bulacan, partikular sa mga bayan ng Kalumpit, Malolos, at Hagonoy, na lahat ay madalas bahain. Tunay na nananatiling tinta lamang sa papel ang mga proyektong ito, sa halip na maging depensa laban sa baha. Ito ay nagpapatunay na ang sistemang dapat magligtas ay siya ring nagpapahamak.
Hindi lamang Bulacan ang nakararanas ng ganitong kalbaryo kundi pati na rin ang ibaโt ibang rehiyon ng bansa. Tulad na lamang ng Bagyong Kristine nitong nakaraang Oktubre, naitala ng NDRRMC na mahigit 315,000 pamilya o halos 1.5 milyon katao ang naapektuhan sa Bicol Region, habang tinamaan din ang imprastraktura at agrikultura ng halos P3 bilyong piso. Nagpapakita lamang ang ganitong datos na hindi biro ang epekto ng matinding pagbaha. Maaaring hindi lahat ng problema ay ma*olusyonan ng flood control projects, ngunit malinaw na isa ito sa mga pinakamainam na paraan upang mabawasan ang pinsala, lalo na sa mga pamilyang nakatira malapit sa ilog, dagat, at iba pang mababang lugar.
Sa bawat buhos ng ulan, maraming pamilyang Pilipino ang nagdurusa, lumilikas, at lumalangoy sa sariling tahanan na nagiging ilog. Ngunit sa bawat paglabas ng pondo, kontratista at politiko ang nagdiriwang sa kanilang tubo. Nakapanghihilakbot isipin na tubig ang bumabaha sa karaniwang tao, samantalang salapi ang bumabaha sa bulsa ng iilan. Ang mamamayan ang tunay na binabaha ng gutom, sakit, at pagkawasak ng kabuhayan, ngunit patuloy silang tinuturuang maging matatag na para bang iyon lamang ang sagot sa lahat.
Masahol pa, hayagang nalantad ang kalakaran ng pagbibigay ng bilyon-bilyong proyekto sa mga kumpanyang walang sapat na kakayahan. Ang QM Builders Incorporated, na may kapital na P2 milyon, ay nakakuha ng kontratang P7.3 bilyong piso. Ang Samidan Construction and Development Corporation, na may kapital lamang na P250,000, ay nakasungkit ng kontratang bilyon din ang halaga. Hindi ito pagpapaunlad, kundi malinaw na hokus-pokus na pinapaboran dahil sa koneksiyon sa mga politiko.
Malaki rin ang pananagutan ng pamahalaan. Galit man ang Pangulo sa nakitang 'ghost flood control project,' hindi maitatanggi ang kakulangan sa masusing pagbabantay bago pa ito sumabog sa publiko. Kung talagang may matibay na monitoring, hindi dapat lumaki at lumaganap ang ganitong anomalya. Hindi naiiba sa magnanakaw ang lider na nagpapabaya sapagkat ang pananahimik at kawalan ng aksyon ay kasabwat ng katiwalian. Hindi lamang nagpapakita ng korapsyon ang sistemang ito, kundi ng kabiguan ng mga pinuno na maging tunay na tagapagtanggol ng kanilang mamamayan.
Totoo na may mga flood control projects na naipatupad sa ibang lugar. Ngunit hindi nito natatabunan ang katotohanan na sa loob ng 15 taon, mahigit P2 trilyon ang inilaan para sa mga proyektong kontra-baha at tinatayang 60 porsyento nito ang napupunta sa bulsa ng mga tiwali, ayon kay Senador Panfilo Lacson. Sa laki ng halagang nawawala, bawat proyektong natatapos ay nagiging patak lamang sa dagat ng katiwalian.
Dagdag pa rito, malinaw ang ugat ng lahat ay ang bulok na sistema. Sa bawat pisong nawawala, may pamilyang lumulubog sa baha, may batang napipilitang maglakad sa putikan imbes na sa paaralan, at may mamamayang nagsasakripisyo dahil bigo silang matamasa ang suportang dapat nagmumula sa gobyerno. Nakakaawa ang mga Pilipinong kailangang paulit-ulit na maging resilient, hindi dahil sa kakulangan ng lakas ng loob, kundi dahil sa kawalan ng malasakit ng kanilang mga lider.
Kaya upang wakasan ang ganitong kalakaran, kinakailngang isakatuparan ang komprehensibong fraud audit ng Commision on Audit (COA) sa lahat ng flood control projects sa bansa. Maaari rin na ipatupad ang blacklist at ka*ong kriminal sa mga kumpanyang napatunayang nakinabang sa "ghost flood control". Nararapat din na magtatag ng monitoring system upang makita ng mamamayan kung paano ginagastos ang bawat piso mula sa buwis. At higit sa lahat, panagutin ang mga nasa pinakamataas na posisyon na nagbulag-bulagan at nagpabaya, sapagkat ang kawalan ng aksyon ay kasing bigat ng mismong pagnanakaw.
Hanggat hindi ginagapi ang katiwaliang bumabalot sa mga proyekto, patuloy na lulubog ang bansa, hindi lamang sa baha, kundi sa kasakiman, pagpapabaya, at kawalang hustisya.
Mga salita ni | Princess Anne Salvador/ Ang Isarog
Dibuho ni | Camille Sambrano/ Ang Isarog