01/08/2025
BASAHIN | - KASONG ADMINISTRATIBO NA INIHAIN NG KAPITOLYO NG CAMARINES SUR AT SAGIP KALIKASAN TASK FORCE KAY INCUMBENT Mayor Tom Bocago IBINASURA NG OMBUDSMAN.
Sa Labing-Siyam na pahinang desisyon Ombudsman sa kasong Administratibo kina Mayor Tomas A. Bocago, Punong Barangay Victorino E. Dela Cruz ng San Isidro, at mga pribadong indibidwal na sina Christian Gay Madridano Lamado, Rodelo M. Tiburcio at Rebecca A. Rosales, ito ay tuluyan ng ibinasura ng Tanod-Bayan.
Naging ugat ng kaso ay ang pagsasaayos ng lugar na gagawan sana ng motocross competition na bahagi ng foundation day ng bayan na nasa Barangay San Isidro na pag-aari ng mga pribadong indibidwal.
Sa pagsasayos ng lugar gumamit ng bulldozer ang munisipyo subalit dumating ang Sagip Kalikasan Task Force sa pamumuno ni Luzmindo N. Aguillon Jr at sinasabing nagsasagawa umano ang munisipyo ng illegal quarrying.
Subalit sabi ng Ombudsman, hindi napatunayan ng Sagip Kalikasan Task Force ang kanilang alegasyon dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Nilagdaan ang naturang desisyon nina Carl De Liz L. Acosta, Graft Investigation and Prosecutor Officer I, Joaquin F. Salazar, Director, Preliminary Investigation, Administrative Adjudication and Prosecution Bureau A, Adoracion A. Agbada, Assistant Ombudsman at Cornelio L. Somido, Deputy Ombudsman for Luzon at OIC Ombudsman Dante F. Vargas.
Ikinatuwa naman ni Mayor Tom Bocago ang naging paborableng desisyon ng Ombudsman.