25/10/2025
🌊 Kung Makapagsasalita ang Dagat: Kuwento ng Isang Coast Guard mula sa West Philippine Sea
“Kung makapagsasalita ang dagat, sasabihin nito, ‘Wag nyo akong sirain.’” Malumanay ngunit mabigat ang pagbigkas ng mga salitang ito—hindi sigaw, kundi isang panalangin, isang pagsusumamo. Sa ilalim ng malawak na kalangitan at sa gitna ng dumadaluyong na alon ng West Philippine Sea, isang miyembro ng coast guard ang nagbabantay hindi lang dahil ito ang kanyang tungkulin, kundi dahil mahal niya ang dagat. Para sa kanya, ang karagatan ay hindi lang teritoryo—ito ay buhay, alaala, at isang tinig na matagal nang naghihintay na mapakinggan.
Ang hampas ng alon sa dalampasigan, ang malinaw at kumikislap na tubig ng dagat, ang malamig at tamang maalat na simoy ng hangin, ang napakagandang kalangitang kulay asul, ang kamangha-manghang tanawin na nilikha ng Maykapal—lahat ng ito'y nagpapagaan ng damdamin at nagbibigay-buhay sa kaluluwa. Ang lugar na ito ay hindi kathang-isip o malayong pantasya—ito ang Kalayaan Island, isa sa pinakadulo ng ating kapuluan. Isang paraisong tila hiwalay sa ingay ng mundo—mapagpalaya sa isip, katawan, diwa, at espiritu.
Ngunit sa kabila ng kagandahang ito, may bumubulong na paalala. Sa bawat alo’t hampas ng dagat, tila may tinig na nagsusumamo: “Wag niyo akong sirain.” Isa itong panawagan—hindi lamang para sa mga tagabantay, kundi para sa bawat Pilipino—na alagaan at ipaglaban ang likas na yaman ng bayan.
Dito, sa pinakahangganang bahagi ng ating teritoryo na napalilibutan ng Kanlurang Dagat ng Pilipinas o West Philippine Sea, matatagpuan si Dean, isang dedikadong miyembro ng Philippine Coast Guard (Bantay-Dagat). Siya ang mata at tagapangalaga ng ating bayan sa dulo ng mapa—isang tahimik ngunit matatag na bayani sa gitna ng bughaw na karagatan, na hindi lang laban sa panganib ang hinaharap, kundi pati ang pag-abuso sa kalikasan.
Bakit siya naroon?
Nang makapagtapos ng kurso sa business, pinili ni Dean na pumasok sa mundo ng corporate, tulad ng marami. Naging bahagi siya ng Petron at Promobikes, at dito niya unang naranasan ang takbo ng pang-araw-araw na trabaho, hanggang sa isang hindi inaasahang pag-uusap ang nagbukas ng panibagong direksyon sa kanyang buhay.
Nakilala niya ang asawa ng kanyang tiyahin — isang miyembro ng Philippine Coast Guard. Doon niya unang narinig ang tungkol sa pagiging bantay ng karagatan. Ipinakilala sa kanya na hindi lamang ito isang propesyon, kundi isang bokasyon — isang pagsisilbi sa bayan, sa dagat, at sa kalikasan.
Hinimok siya na subukan ang pagiging Coast Guard, at ipinaliwanag na bukod sa pagiging regular at permanente ang trabaho, may posibilidad din na madestino siya sa Palawan — isang bagay na malapit sa kanyang puso dahil siya’y lumaki sa Narra, isang bayang yakap ng karagatan.
Hindi niya inakala na mula sa corporate world, dadalhin siya ng tadhana sa isang lugar na tila nasa dulo ng daigdig. Alam niya na bahagi ng trabaho ang paglilipat ng puwesto kada dalawang buwan. Hanggang sa dumating ang araw na maitalaga siya sa Kalayaan Island upang bantayan ang isla at ang West Philippine Sea.
Akala niya ay karaniwan lamang ang lugar, kagaya ng mga nauna niyang destino. Ngunit nang siya’y makarating doon, doon niya lubos na naunawaan: “Ah, malaya pala rito.” Malaya mula sa pulitika, malaya sa ingay ng mundo, at higit sa lahat, malapit sa kalikasang tunay na dapat pangalagaan.
“Malaya ring dumaraan sa West Philippine Sea ang ilang dayuhang mangingisda, na kapag tinatanong ay sumasagot naman na daraan lamang. Ang Kalayaan Island ay matagal nang pinapangalagaan mula pa sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at ng mga nauna pang pangulo.”
“Napakayaman ng isda sa bahaging ito ng dagat. Ang mga taong naninirahan sa natatanging barangay ng isla, na tinatawag na Pag-asa, ay nasa pagitan ng 80-100 ayon sa tala ng PSA noong 2017.” Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 400 na ang mga residente roon.
🌏 Kalayaan Islands: Lupa ng Yamang-tubig at Kaugnay na Interes ng Iba’t Ibang Bansa
Ayon kay Dean mayaman sa natural oil at natural gas ang Kalayaan. Ayon sa datus ng Department of Energy (DOE) ang ilalim ng karagatan ng Spratly Islands na kabilang sa Kalayaan Island Group (KIG), matatagpuan ang ilan sa pinakamayamang deposito ng langis at natural gas sa mundo. Tinatayang may 6,203 milyong bariles ng oil resources at 12,158 bilyong cubic feet ng natural gas ang nasa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang iba pang pagtataya ay umaabot sa USD 26.3 trilyon na halaga ng karbon na hindi pa na-e-extract, karamihan mula sa Reed Bank at Mischief Reef sa Spratlys, na bahagi ng KIG.
Pinatutunayan ng isinagawang geological survey na ang mga karagatan sa paligid ng Kalayaan Island Group ay mayaman sa yamang hydrocarbon, na siyang dahilan ng lumalaking interes ng iba't ibang bansa—lalo na ng Tsina, Malaysia, at Vietnam—sa lugar na ito.
Noong 2011, inatasan ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Philippine Coast Guard (PCG) na protektahan ang mga exploration activities sa Kalayaan upang masiguro ang kaligtasan, kaayusan, at kalinisan ng ating teritoryo habang isinasagawa ang potensyal na offshore drilling.
Ngunit sa ilalim ng kagandahan ng dagat na ito, may nakatagong yaman na hindi lang likas kundi politikal—at ito ang pinagmumulan ng sigalot sa pagitan ng mga bansa.
⚓ Paliwanag ni Dean: Kalayaan ay Hindi Ligtas sa Mata ng Interes
Samantala, inilarawan ni Dean, ang lumalaking interes ng iba’t ibang bansa ay dahil sa mga mahahalagang yaman na matatagpuan dito. Ayon sa kanya:
"Ang tanging inaalma ng barko ng Tsina ay tuwing may barkong Navy ang dumadaong sa Kalayaan para maghatid ng suplay at pagkain... tila sila pa ang naiirita."
Totoong mapusok ang tensyon sa dagat—dahil sa yamang nasa ilalim nito, maraming bansa ang nag-aabang at ilan ay nagsisikap makamit ang kontrol sa lugar. Hindi kagilang-gilalas kung bakit may maninibago sa presensya ng Navy na suportado ng gobyerno ng Pilipinas.
🚤 Araw-araw na Hamon ng Coast Guard: Basura, Ruta ng Mangingisda, at Pakikipagkapwa
Bukod sa mga politikal na interes sa West Philippine Sea, ibinahagi ni Dean ang mga hamon na madalas makahadlang sa kanilang misyon bilang bantay-dagat. Isa na rito ang patuloy na pagkaanod ng mga basura mula sa karagatan—mga plastik na bote, styrofoam, at iba pang basura. Malinaw na mula sa Tsina ang marami dito, batay sa mga brand name na mababasa pa sa mga label.
Isa pang hamon ay ang hindi pag-uwi sa takdang oras ng ilang bangkang may sakay na mangingisda, kaya't masusi nilang sinusundan ang rota ng bawat sasakyang pandagat upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Sa kabila nito, may mga pagkakataon din ng positibong interaksyon, tulad ng mga Vietnamese fishermen na dumaraan sa ruta at nakikipagkaibigan sa mga lokal na mangingisda—nakikita ito bilang isang pagkakataong makabuo ng bukas na komunikasyon at ugnayan.
Sa Kalayaan, malaking tulong din ang mga lokal na mangingisda na nagsisilbing lookout o asset ng Coast Guard; sila ang unang tagamasid sa anumang kahina-hinalang galaw ng mga dayuhang barko sa lugar.
⚖️ Paglalatag ng Batas: Legal na Paninindigan ni Dean
Hindi lamang damdamin ang nagpapalakas kay Dean sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang bahagi ng Philippine Coast Guard—nakatindig din ito sa matibay na kaalaman sa batas. Batid niya ang mga probisyon na nagbibigay-diin sa karapatan ng Pilipinas sa iba't ibang bahagi ng katubigan, lalo na sa Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon sa Republic Act No. 9522 at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pinirmahan ng Pilipinas, malinaw na may buong karapatan ang bansa na gamitin at pangalagaan ang mga likas na yaman sa loob ng 200 nautical miles mula sa baybayin. Sa hangganang ito, hindi pinahihintulutan ang ibang bansa na mangisda o mag-angkin—maging isang batong lumulutang ay hindi nila maaaring ariin.
Patuloy na paglalatag ni Dean, sa Contiguous Zone naman na umaabot hanggang 24 nautical miles mula sa pampang, pinahihintulutan ng batas ang Pilipinas na ipatupad ang mga regulasyon ukol sa kalinisan ng karagatan, adwana, imigrasyon, at kapaligiran. Samantala, sa loob ng 12 nautical miles na Territorial Sea, ganap na umiiral ang soberanya ng bansa. Bagamat pinapayagan ang banyagang paglalayag, ito ay dapat ituring na "innocent passage" lamang—ibig sabihin, hindi dapat ito magdulot ng anumang banta sa kapayapaan, seguridad, o kaayusan ng Pilipinas.
Para kay Dean, ang mga batas na ito ay hindi lamang pananggalang, kundi gabay sa araw-araw niyang pagsusumikap na protektahan ang karagatang matagal nang bahagi ng pagkakakilanlan at kabuhayan ng mga Pilipino.
🌊 Ang Karagatan ay Buhay
“Sa tagal ko nang nasa serbisyo, nakita ko na ang kabutihan at kasamaan ng pakikitungo natin sa karagatan. Minsan, may mga nahuhuli kaming dayuhang mangingisda na nangingisda sa mga ipinagbabawal na lugar o gumagamit ng sodium cyanide at dinamita, na labis na nakakasira sa mga coral reefs. May pagkakataon ding ang mga basura ay lumulutang sa alon, inaabot ang baybayin na para bang isang tahimik na daing ng dagat.
At sa bawat pagkakataong iyon, naririnig ko sa loob-loob ko ang parehong panawagan: “Wag nyo akong sirain.”
Ang West Philippine Sea ay hindi lamang isyu ng teritoryo. Ito ay pinagkukunan ng buhay—ng pagkain ng libo-libong pamilyang Pilipino, lalo na ng mga Palaweño, ng kabuhayan ng mga mangingisda sa buong Pilipinas, at ng pagkakakilanlan nating mga Pilipino.
Sa bawat isdang nahuhuli, sa bawat alon na dumadaluyong sa ating pampang, naroon ang tanong: Paano na kung tuluyan itong masira?
🕊️ Bantay at Boses ng Dagat
“Bilang coast guard, hindi lang ako nagbabantay ng hangganan. Ako’y nagsisilbing tagapagsalita ng isang bahaging hindi marunong magsalita. Kapag may nakikita akong paglabag sa kalikasan, pakiramdam ko ay ako ang tinig ng dagat—ako ang magsasabi ng, “Tama na.” Hindi ito responsibilidad ko lang—ito ay tungkulin nating lahat.”
Tulad ng sinabi ni Dr. Deo Onda ng UP Marine Science Institute, “Kapag ang kwento ng West Philippine Sea ay mas relatable, kapag sumasalamin sa araw-araw na buhay ng mga tao, ang mga tao ay mas makikinig; mas maiintindihan nila kung bakit importante.” At iyon ang sinusubukan kong gawin—ang gawing totoo, damhin, at yakapin ang katotohanang ang dagat ay may kwento—isang kwentong dapat nating marinig at ipagtanggol.
🌅 Pakinggan ang Dagat
“Sa bawat pag-ikot ng araw sa Kalayaan Island, sa bawat pagtaas at pagbaba ng alon, kasama ng katahimikan ng paligid ang matatag kong panata: habang ako’y narito, hindi ako papayag na masira ang dagat na nagsisilbing tahanan, kabuhayan, at buhay ng ating bayan.
Sapagkat kung makakapagsalita ang dagat—at sa pamamagitan ng mga tulad namin, nagsasalita nga ito—ang huli nitong panawagan ay malinaw: “Wag nyo akong sirain.”
Ang istorya ni Dean ay paalala sa atin: ang dagat ay may kwento—isang kwentong dapat nating marinig at ipagtanggol.
Hindi lahat ng bayani ay nasa bayang sinilangan. May iba sa mga dulo ng ating mapa, humaharap sa alon, bagyo, at panganib upang mapanatili ang ating soberenya.
Kaya’t ang panawagan ni Dean sa mga kabataan:
“Mag-research kayo. Alamin ninyo kung bakit mahalaga ang West Philippine Sea. At higit sa lahat, huwag niyong hayaang masira ang dagat—dahil atin ito. Hindi lang ito laban ng sundalo o bantay-dagat, atin ang West Philippine Sea at buhay natin ang nakadugtong dito.”
“Kung makapagsasalita ang dagat, sasabihin nito, ‘Wag nyo akong sirain.’ Pero dahil tahimik ito, tayo ang kailangang magsalita para dito.”
✍️ Feature Story by Maricel Gacott
📅 Written on July 22, 2025