22/04/2026
4 NA SUSPEK SA KASONG R**E WITH HOMICIDE, ARESTADO NG BUSTOS PULIS SA LOOB NG 48 HRS
Camp General Alejo S Santos, Malolos City, Bulacan — Apat (4) na suspek ang naaresto sa isinagawang hot pursuit operation ng Bustos Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Poblacion, Bustos, Bulacan noong Abril 21, 2026, kaugnay ng pagkakadiskubre sa wala nang buhay na babae na naiulat na nawawala.
Batay sa ulat ni PCPT HEHERSON M ZAMBALE, Officer-in-Charge ng Bustos MPS, ang biktima ay isang babae na estudyante at residente ng nasabing lugar na iniulat na nawawala noong Abril 11, 2026.
Sa isinagawang follow-up investigation at batay sa pahayag ng saksi, unang naaresto ang isang 27 taong gulang na suspek na residente ng Brgy. Poblacion, Bustos, Bulacan. Kalaunan, itinuro nito ang tatlo pang indibidwal na umano’y sangkot sa krimen. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlo pang suspek na may edad 29, 31, at 40 taong gulang, na pawang mga residente rin ng nasabing barangay, sa loob ng 48 oras mula nang magsimula ang imbestigasyon.
Ang apat na suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bustos MPS habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong R**e with Homicide laban sa kanila sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City, Bulacan. Ang isa sa mga suspek ay isinailalim din sa kaukulang legal na proseso.
Patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang detalye ng insidente at matiyak ang agarang paghahatid ng hustisya para sa biktima.
Ayon kay PCOL JAY B BAYBAYAN, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, walang puwang ang ganitong uri ng krimen at patuloy ang mahigpit na aksyon ng kapulisan laban sa mga lumalabag sa batas upang mapanagot ang lahat ng sangkot at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Sa kabila ng mga sensitibong insidente, naaresto ang mga suspek sa loob ng wala pang 48 oras, patunay ng mabilis at epektibong aksyon ng kapulisan.