01/10/2020
Napakabilis lumipas ng mga araw. Unang araw na ng Oktubre ngayon, pwede na natin gisingin ang mga nagbilin na wake me up when September ends!
Nasa ika-sampung buwan na tayo ng 2020. Kumusta na ba kayo ngayong simula ng bagong buwan, mga minamahal kong Tigbenyo? Sa araw-araw ay kasama sa aking panalangin na ang bawat isa sa atin ay laging ligtas, malayo sa sakit, at nasa maayos na kalagayan.
91 araw na lang ang natitira sa taon na ito. Marahil, kagaya ko at ng marami nating kababayan, ay sinimulan ninyo ang 2020 na puno ng pag-asa, mga plano at pangarap. Ngunit ang taon na ito ay nagdala ng isang matinding pagsubok na hindi inasahan ng lahat. Ilan siguro sa mga nais natin magawa, mapuntahan, o maisakatuparan ay naantala dahil sa pandemya. Malaking mga pagbabago rin sa ating nakasanayan na buhay ang kinailangan nating harapin, at patuloy pang kinakaharap.
Bilang inyong Lingkod, laging tanong sa aking isipan, ano pa ang kaya at kinakailangan Nating gawin para sa ating mga mamamayan? Paano natin maipararamdam at maipaaabot ang na nararapat para sa lahat? Sa loob ng ilang buwan nating pagharap sa pandemya ay hindi po tumigil ang ating Pamahalaan sa pagkilos, pagtulong, at paggawa ng solusyon, hindi lamang sa mga bagay na may kinalaman sa COVID-19, kundi sa lahat ng aspeto ng pagseserbisyo. Asahan ninyo na tuloy-tuloy ang ating mga programa at Pagseserbisyo.
Sa mga natitirang araw ng taon, patuloy sana tayong maging matatag. Sama-sama tayo sa panalangin na tuluyan nang mawala ang banta ng sakit sa ating bansa at sa buong mundo. Hindi man maganda o maayos sa atin ang mga lumipas na buwan, sigurado ako na marami pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Bawat araw na tayo ay gumigising ay sapat nang dahilan para hindi mawalan ng pag-asa.
Nawa ay puno ng papapala at biyaya ang dala ng Bagong Buwan, Bagong Panahon at Bagong Hinaharap para sa ating lahat.