16/08/2025
๐๐ข๐ฆ๐ข๐ ๐ง๐ ๐๐ญ๐ข๐ง๐ ๐๐ข๐ค๐
Ang sarap makinig sa musikang Pilipino. Nakahahalinang sumabay sa mga lirikong nasa sariling wika, parang may kiliti sa dila at may lambing sa pandinig. Hindi lang basta awit ang pumapasok sa tainga, kundi mga salitang may hugis, may kulay, at may pagkakakilanlan.
Bakit nga ba tinatangkilik ang kantang โMultoโ ng Cup of Joe at ang bersyon ni Rob Deniel ng โNandito Akoโ ni Ogie Alcasid? Hindi lamang dahil sa kanilang himig na madaling tandaan o sa mga tinig na magaan sa pandinig. Sa halip, silaโy tila mga kaibigang dumadalaw sa iyong alaala, kumakatok sa pintuan ng damdamin, at pilit na humuhugot ng mga emosyong minsan ay matagal mo nang tinatago.
Ang wikang Filipino ay may kakayahang pumukaw ng damdamin. Sa mga awiting tulad nito, mas malinaw ang mensahe, mas personal ang dating. Hindi lang ito naririnig kundi nararamdaman at nauunawaan din nang buo. At sa bawat liriko, nananatiling buhay ang ating kultura, ang mga imaheng nakaukit at ating kinagisnan, ang mga salitang unti-unti nang nawawala sa pang-araw-araw na usapan, โlilisanโ, โmangambaโ, โsintaโ ay muling sumisigla sa himig ng kanta.
Sa mga awiting ito, nagiging tulay ang wika sa pagitan ng henerasyon. Sa social media at mga streaming app, nakararating ang awit sa kabataan na sanay sa banyagang musika, ngunit nahuhumaling pa rin kapag narinig ang salitang pamilyar at nagbibigay ng damdaming totoo. Ginagamit ito ng mga banda at mang-aawit sa ibaโt ibang anyo, sa pop, rap, o indie, kayaโt nagiging sariwa at kaakit-akit ang wikang Filipino sa bagong henerasyon.
Higit pa sa tugtugin; isa itong kolektibong karanasan. Kapag sumasabay ka sa kantang nasa sariling wika, kahit iba-iba ang rehiyon at dialekto, iisa ang tibok ng puso ng mga nakikinig. Tila sabay-sabay tayong kumakanta sa iisang entablado, nagkakaisa sa damdamin, sa alaala, at sa kwento.
Sa musikang Pilipino, bawat salita ay may kasamang ugat. At habang umuusad ang padyak ng panahon, nananatili itong patunay na ang ating wika, tulad ng musika, ay buhay, humihinga, at patuloy na uusbong.
Writer: ๐ฐ๐๐๐๐ ๐ถ. ๐ต๐๐๐๐๐๐๐๐
Pubmat: ๐น๐๐๐๐๐ข๐ ๐ถ๐๐๐๐ข๐๐