12/05/2025
EDITORYAL┃Gintong Gampanin
Muli, nasa kamay ng bayan ang punla ng kinabukasan.
Sa darating na Mayo, haharap na naman ang taumbayan sa isang mahalagang gampanin: ang pagtatanim ng ating mga boto sa balotang lilinang ng ating kinabukasan. Ngunit sa panahong pinepeste ng disimpormasyon ang publiko, hungkag ang isiping biro lang ang gampaning ito.
Magtanim ay di biro/ Maghapong nakayuko/ Di ka man makatayo/ Di ka man makaupo.
Sa datos na inilabas ng Social Weather Station (SWS) noong 2022, 70% ng mga Pilipino ang naniniwalang isang malaking suliranin ang “fake news” sa bansa. Dagdag pa rito, ayon naman sa datos ng Pulse Asia, siyam sa sampung Pilipino ang sumasang-ayon sa paniniwalang ito. Kung nakikita ng publiko ang problema ng fake news, bakit sagana pa rin ang naniniwala sa mga propaganda online?
Napag-alaman ng SWS na 51% ng mga Pilipino ang hindi kayang pag-ibahin ang fake news sa hindi. Higit pa, ayon naman sa Pulse Asia, 90% ng mga Pilipino ang nakabasa, nakanood, at nakarinig ng fake news sa social media. Kung may 86.75 milyong Pilipino na social media users noong 2024 base sa datareportal, hindi nakapagtatakang latay sa pagboto ang fake news.
Dahil sa disimpormasyong ito, nagiging maselan ang pagboto. Ang dating mahirap nang proseso ng pag-alam kung sinong korap ay lalong mas humirap dahil sa mga pabulang pansarili lamang. Nilulunod tayo ng mga kwentong iniaangat ang pangalan ng isa. Nilulubog tayo ng mga pangakong sirang plaka na. Sa huli, sa putik at sa putik pupulutin ang ating mga katawang lupa pagod na sa hirap ng buhay.
Braso ko'y namamanhid/ Baywang ko'y nangangawit/ Binti ko'y namimitig/ Sa pagkababad sa tubig.
Ngunit, sa putik din naman nag-uumpisa ang pag-ani. Ang punla ay ibinabaon sa lupang may danum. Kapag may sapat na pataba at liwanag, uusbong ang ginintuang ani. Kung nagiging sirang plaka ang taktika ng politika sa fake news, siklo rin ang pagtatanim at pag-ani upang matutong bumoto para sa bansa. Hindi iisang beses ang gampaning ito kung mangyari sa buhay natin, kaya hindi iisang beses ang pagkakataon upang mamulat sa naghihintay na delubyo gawa ng disimpormasyon.
Gintong umaga ang kapalit ng seryosong pagboto sa darating na eleksyon sa Mayo. Maaaring madali tayong mahikayat ng mga tumatakbo dahil sa kanilang itsura, kasikatan, o di kaya’y mabubulaklak na salita. Ngunit ang matalinong pagboto ang patabang magpapayaman sa aanihin nating bukas. Responsibilidad natin bilang mga mamamayan ang silipin ang katotohanan sa bawat katagang sinasambit ng mga kandidato, dahil sa huli, tayo rin ang magdudusa sa botong ating ipupunla sa balota. Ito na ang panahon upang umahon at mamulat- tayo rin ang gagawa ng ating kinabukasan.
Sa umagang paggising/ Ang lahat iisipin/ Kung saan may patanim/ May masarap na pagkain
Lagi’t lagi, nasa kamay ng bayan ang punla ng kinabukasan. Ang pagboto ng tama at nang tama ang makakatiyak ng masaganang ani para sa Pilipinas. Sa gayong paraan, sa mga susunod na bukas, taumbayan ang tatayo at hindi yuyuko sa kung sinumang maiuupo.
Halina, halina, mga kaliyag/ Tayo'y magsipag-unat-unat/ Magpanibago tayo ng landas/ Para sa araw ng bukas/ Para sa araw ng bukas.
━━━
Maaaring makakuha ng kopya ng Vision Quest Newsette Volume 8. No.1 sa Beta 207.
Bumoto nang matalino, Auristas!