20/09/2025
IN PHOTOS | ASUL ANG NAGMARKA: Mentors, nagkampeon sa Men at Women's Futsal
OLONGAPO CITY—Umarangkada ang kampo ng College of Education Arts and Science (CEAS) Mentors matapos pabagsakin ang apat na koponan sa SIKLAB 2025 Men's at Women's Futsal na idinaos sa Asinan Covered Court nitong ika-19 ng Setyembre.
MATAPOS ANG MADUGONG BAKBAKAN
Matapos ang elimination match sa Men’s Division, nagharap ang College of Business and Accountancy (CBA) Wizards at College of Computer and Studies (CCS) Phoenix para sa ikatlong karangalan, habang umabante naman sa Championship match ang College of Education Arts and Sciences (CEAS) Mentors at College of Hospitality and Tourism Management (CHTM) Sharks.
SALAMANGKERO, GINAWANG ABO ANG PHOENIX
Mainit na nagsimula ang tagisan ng Wizards at Phoenix sa bronseng medalya.
Kaliwa't kanan ang banggaan ng mga manlalaro at pilit na iginigiit na maipasok ang bola sa net upang makuha ang ikatlong pwesto.
Bagkus, sa kabila ng basagan ng depensa, nagawang patumbahin ng Wizards ang Phoenix sa iskor na 3-2, at kanilang sinikwat ang bronseng medalya.
PANGIL AT TALIM
Mahigpit na sagupaan ang ipinamalas ng College of Hospitality and Tourism Management (CHTM) Sharks at College of Education Arts and Science (CEAS) Mentors sa championship match.
Mabagsik na opensa at depensa ang ipinamalas ng dalawang koponan, ngunit parehong hindi makapuntos dahil sa matatag at tila sementadong depensa ng kanilang goalkeeper at defender.
Sa huling bahagi ng sagupaan, pinatunayan ni CEAS standout Ariel Jimenez Jr. ang kanyang liksi at galing matapos makapuntos ng winning goal para sa Mentors. Sinubukan pang bumawi ng Sharks, ngunit hindi nila nabutas ang matibay na depensa ng kalaban.
Sa huli, tinuldukan ng Mentors ang laban at itinanghal na kampeon sa Men’s Division matapos ang dikdikang 1–0 panalo.
Ibinahagi ng mga nagwagi na ang kanilang tagumpay ay nakabatay sa maayos na sistema. “Meron po kaming communication at teamwork, at higit sa lahat, tiwala sa isa’t isa,” pahayag ng Men’s Futsal MVP.
Samantala, itinanghal bilang Most Valuable Player (MVP) si Jimenez mula sa kampo ng Mentors at umuwi naman bilang Best Goalkeeper si Troy Flores ng CHTM Sharks.
TAGISAN NG DILAW, KAHEL, BUGHAW, AT ROSAS
Sa Women’s Division, nagharap ang College of Allied Health Studies (CAHS) Tigers at College of Business and Accountancy (CBA) para sa Battle for Bronze, habang sa Championship Match naman ay nagtunggali ang College of Education Arts and Science (CEAS) Mentors at College of Hospitality and Tourism Management (CHTM) Sharks.
SILAKBO NG MGA TIGRE
Gutom sa tagumpay, matikas na binuksan ng CAHS Tigers ang laban para sa tansong medalya, ngunit agad ding nagpakitang-gilas ang CBA Wizards.
Kapwa dumaan sa butas ng karayom ang dalawang koponan sa matinding bakbakan, ipinamalas ang depensa’t opensa nilang halos imposibleng mabutas.
Bandang dulo, hinagupit ng Tigers ang Wizards matapos pairalin ang kanilang lakas at diskarte, at tuluyang nasungkit ang bronze medal sa iskor na 1–0.
NINGNING NG ASUL O TINGKAD NG ROSAS
Gutom sa kampeonato, salitan sa agawan ng bola ang CEAS Mentors at CHTM Sharks para sa gintong medalya.
Pinakawalan ng Sharks ang mabilis na opensa upang basagin ang depensa ng Mentors, ngunit nanatiling matatag ang kampo ng bughaw.
Sa bandang dulo ng pagtutuos, asul pa rin ang kulay ng namayani at kumopo ng kampeonato sa Women’s Division, 3-0.
Nasungkit ng parehong manlalaro ng CEAS Mentors ang mga parangal, kung saan itinanghal na MVP si Daisy Ibarbia at Best Goalkeeper naman si Rebecca Salonga.
Narito ang buod ng iskor mula semifinals patungong championship:
MEN’S DIVISION
CBA Wizards vs. CHTM Sharks: 0-1
CCS Phoenix vs. CEAS Mentors: 1-3
Battle for bronze:
CBA Wizards vs. CCS Phoenix: 3-2
Championship:
CEAS Mentors vs. CHTM Sharks: 1-0
WOMEN’S DIVISION
CAHS Tigers vs CHTM Sharks: 0.1
CBA Wizards vs. CEAS Mentors: 1-2
Battle for bronze:
CAHS Tigers vs. CBA Wizards: 1-0
Championship:
CEAS Mentors vs. CHTM Sharks: 3-0
___________________
Report ni Rogeen C. Alcantara at Mariah Llave
Kuha ni Lheeon Owen Dela Rosa