
27/07/2025
LATHALAIN | “Mga Pahinang Pilit na Ibinubura bago pa man Ito Maisulat”
Sa araw na ang tinta’y hindi na basta sumisirit at ang mga papel na wari’y sinisilip muna bago sulatan, nagiging tila buwis buhay ang pagsulat at ang pagtatanong. Subali’t sa kabila ng mga pilit na pagsasawalang-imik ay may mga tinig pa rin na patuloy na humuhugot ng lakas sa katotohanan — sapagkat ang pamamahayag nang malaya ay hindi lamang basta karapatan o kapangyarihan, Ito’y isang paninindigan.
Sa paggunita ng Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ng mga Kabataang Mamamahayag ay muling binuklat ang bagong hibla sa kasaysayan — hiblang isinulat ng katapangan, pinanday ng prinsipyo at inilathala sa kabila ng hindi tiyak na kapayapaan.
Mula sa pamunting pahayagang pangkampus, may mga kasaysayang pilit na hinihipan datapuwat paulit-ulit din na isinusulat. Mga makatang peryodista na sa murang edad ay natututo nang tumindig at magsilbi sa harap ng awtoridad. Bagama’t sa ilalim ng Batas ng Republika Blg. 11440 o “National Campus Press Freedom Day Act,” na kinikilala at pinapangalagaan ng Republika ng Pilipinas ang malayang pamamahayag ng midyang pang-kampus bilang haligi ng demokrasya. Sila ang mga mata ng silid-aralan at ang mga munting tinig na pilit na pinapatahimik. Ngunit hindi lahat ng katotohana’y malayang nailalahad — lalo na kung ang sistemang dapat magsilbi at siya ring unang humahadlang.
Sa likod ng mga artikulo ay may matinding binuno sa ilalim ng mga mahinang ilaw, nagtatago sa mga nakakapangambang baka may kumatok sa kinabukasan. Ang Malayang Pamamahayag ay hindi lang basta abstrakto sa mga peryodista — ito ay ang kamalayan sa mga karanasan, isang tahimik na laban sa pagitan ng takot at katotohanan.
Ang Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag ng mga Kabataang Mamamahayag ay hindi lamang naituturing na pagdiriwang ng kalayaan. Bagkus ito ay isang paalala ng walang-humpay na tungkulin. Hindi ito isang kasulatan sa nakaraan na natapos, kundi isang kasaysayang patuloy na inilalahad sa bawat kampus, sa bawat silid, sa bawat pahina ng dyaryong gawa sa pagkilos. Ito ay ang pagkakataon ng paggunita at paniningil — paniningil sa mga pangakong kalayaan at katotohanang madalas pinasisiil.
Sa kabila ng mga pagtangkang hadlangin ang katotohanan, patuloy na binubuhay ang diwa ng malayang pamamahayag. Sapagkat ang katotohanan na kahit balutin ng takit ay siyang pilit rin na binibigkas ng mga kasulatan — mga estudyanteng kahit pigilan at patahimikin ay natutong bumuo sa pagitan ng mga linya — kung saan ang katahimika’y boses at ang mga pahina ay patalim.
Sa huli, inilalahad natin ang pagtanggi — sa panggigipit, sa mga lihim na pilit itinatago, at sa paghahadlang sa mga tinig ng kabataan. Sa dulo ng bawat artikulo, nasa atin ang pangwakas na salita at iyon ay ang hindi paglimot, bagkus patuloy na pamamahayag.
✍️: Jhana Ashley Bandillo
🖼️: Ren Kiera Coquilla