06/02/2015
COAL PLANT PROJECT, BABANTAYAN PA RIN
OLONGAPO CITY--Sa kabila ng inilabas na direktiba o desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pagsang-ayon sa pagpapatayo sa RP Energy Coal Plant, mariin pa rin daw itong tututulan ng mga concerned group dahil sa mga hindi magagandang idudulot nito sa kapaligiran, na posible rin na makapagbigay ng problema sa mamamayan.
Ito ay may kaugnayan sa pagtatayo at operasyon ng 600-megawatt coal-fired power plant na proyekto ng Redondo Peninsula Energy Incorporated sa Subic, Zambales.
Matatandaan na naghain ng Writ Of Kalikasan Petition laban sa nasabing proyekto noong July 2012 si dating Bayan Muna Party List Representative Teddy Casino at grupong No-To-Coal kung saan ito ay ibinasura ng Korte Suprema dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Sa pahayag ni Kabataan Party-List Representative Terry Ridon, handa aniya silang mag-file ng motion for reconsideration sa sandaling matanggap na nila ang kopya ng nasabing disisyon.
Ganito rin halos ang sinabi ni Zambales Vice Governor Ramon Lacbain.
Ayon sa bise-gobernador, hindi rin sila pabor ay kanila na lamang aniyang imomonitor ang proyekto partikular ang pagsunod ng Rp Energy Sa Laws And Regulations On Environmental And Health Protection na nakasaad sa ibinigay na Environmental Compliance Certificate.
Samantala, nagbigay naman ng saloobin ang environmental group na Subic Bay Chamber For Health And Environment Conservation at tinawag na “dying fuel” ang itatayong coal plant at pinaniniwalaan nila na ito ay magkakaroon ng problema sa loob ng sampung taon at may posibilidad na i-banned ng buong mundo.
Ang grupong ito na mariing tumututol sa coal plant project ay binubuo ng civil society groups, local government units, indigenous peoples at mga residente mula Olongapo, Bataan at Zambales, kung saan aktibong nakikilahok at nakikiisa sa mga programang may kinalaman sa pagtutol sa coal plant.
Samantala, umapela naman ng tulong ang grupo mula kay Meralco President at Chief Executive Officer Oscar Reyes, dahil bilang top executive ng isang oil company at may malawak na kaalaman sa natural gases, hinihiling nila na ikunsidera at tulungan na maipaabot sa stakeholders ang kanilang hinaing na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan sa Subic Bay kung saan nais na mapanatili ang preserbasyon ng kalikasan at kalusugan ng mga naninirahan doon.