
05/07/2025
"Bago Tayo Magparusa, Matuto Tayong Makinig Muna."
💔 Isang malungkot na kwento ng isang estudyanteng hindi lang huli sa oras, kundi sa pang-unawa ng iba.
Kanina sa klase, may isa kaming kaklase na dumating ng 8:20 AM. Ayon sa patakaran ng paaralan, ang mga late ay kailangang maglinis bilang parusa. Walang tanong, walang paliwanag—agad siyang pinagsalita ng isang guidance personnel na mag-floorwax ng buong hallway sa ground floor, sa ilalim ng matinding sikat ng araw.
Hindi man lang siya tinanong kung bakit siya nahuli.
Hindi man lang inalam kung kumain ba siya, o kung ayos lang ba siya.
Tatlongpung minuto siyang nag-floorwax. Pag-akyat niya sa 3rd floor, basang-basa ang kanyang uniporme sa pawis. Halos hindi siya makalakad. At doon na siya nanghina at bumagsak.
Agad siyang tinulungan ng aming g**o at dinala sa infirmary. Binigyan namin siya ng tubig—tatlong baso agad ang naubos. Pilit naming pinakain pero wala siyang lakas. Habang tinutulungan namin siyang magpalit ng damit, doon ko lang tunay na naramdaman kung gaano siya pagod. Hindi lang dahil sa parusa, kundi dahil sa buhay na araw-araw niyang nilalabanan.
Galing siya sa Saguiaran, pero lumipat ang pamilya nila sa Cagayan de Oro para umasang gaganda ang buhay. Araw-araw, pagkatapos ng klase, naglalako siya ng ecobags sa Cogon para matulungan ang pamilya. Umuuwi siya ng alas-diyes ng gabi, kumakain ng alas-onse, naghuhugas ng pinggan, at natutulog bandang ala-una. Gigising siya ng alas-singko para lang makarating sa paaralan.
Kaya siya nahuhuli.
Pero dahil hindi siya nagrereklamo, dahil ayaw niyang sabihing "nahihirapan ako", akala ng lahat wala siyang pinagdadaanan.
Hindi tamang disiplina kung wala munang pag-unawa.
Hindi lahat ng nahuhuli ay tamad. Minsan, sila yung pinakamasipag sa labas ng paaralan.
Minsan, sila yung may pinakamabigat na pasan.
Sana bago tayo magparusa, matuto tayong makinig.
Hindi natin alam kung ilang estudyante pa ang tahimik na lumalaban sa mga laban na hindi natin nakikita.