16/07/2023
“ Huli man daw at magaling, naihahabol din.”
Ang kasabihang ito ay nagbigay sa aking ng inspirasyon na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang panahon upang magtagumpay sa buhay at hindi ibig sabihin na naunahan ka man ng iba ay wala ka nang pag-asang makabawi pa.
Dahil natapos na ang klase, kukunin ko ang pagkakataong ito para pasalamatan ang mga taong nasa likod ng tagumpay ng publikasyon Luntiang Tanglaw sa taong panuruan 2022-20223. Bilang punong patnugot nais kong pasalamatan ang sumusunod:
Unang-una sa lahat nagpapasalamat ako sa Mahal na Panginoon sa pagbigay niya sa akin ng talento at talino sa pagsulat. Sa mabuting kalusugan upang magampanan ko ang aking gawain. Ikalawa, sa aking mahal na magulang. Maraming salamat po sa pagsuporta at paniniwala sa aking kakayahan na maging bahagi ng publikasyong ito. Ikatlo, sa aking mga mahal na kaibigan na nanatili sa tabi ko at hindi nagbigay sa akin ng dahilan para sumuko sa mga oras ng paghihirap sa pagsulat. Ikaapat, sa mga kapwa kong manunulat na tumulong sa akin sa pagharap sa pagsubok sa ating publikasyon. Isang malaking pasasalamat sa pagsagot sa hamon bilang isang manunulat, lalo na sa wikang Filipino. Alam kong hindi ito madali nung una ngunit habang lumilipas ang panahon, nagiging mahusay at magaling na tayo sa pagsulat. Ikalima, sa aming mahal na moderator, nagpapasalamat ako sa pagtitiwala at paniniwala sa akin na karapat-dapat ako sa posisyong ito, hindi lang sa akin kundi sa aming lahat. Ang iyong gabay, mga payo, at suporta ay hindi kailanman nasayang. Pakatandaan namin ang lahat ng iyong itinuro sa puso’t isipan man.
Masasabi kong hindi madali ang pagiging manunulat, lalo na sa wikang Filipino. Bago ka magsulat ay kailangan mong mag-isip ng mga salita, mga salita na angkop para sa artikulong iyong gagawin. Kahit na dumaan ako sa mga pagsubok, hindi ako sumuko. Sa patnubay ng aking mahal na moderator at sa suporta ng aking mga kapwa manunulat, ang pagsusulat para sa akin ay hindi na mahirap ngayon.
Ang pagsali ko sa publikasyong ito ay hindi lamang nagturo sa akin tungkol sa pagsulat kundi maraming bagay ang aking natutuhan na magamit ko sa aking pag-aaral at sa aking buhay. Nagawa kong magkaroon ng magandang koneksyon sa mga kapwa ko manunulat at parang isang pamilya na kami.
Ang tagumpay ng publikasyon ay hindi naging posible kung wala ang mga taong nasa likod nito walang iba kundi ang mga mahal kong kapwa manunulat at ang aming mahal na moderator. At nagpapasalamat din ako sa lahat sa sumuporta sa amin.
Sabay-sabay nating kilalanin nating ang mga taong nasa likod ng malaking tagumpay ng Luntiang Tanglaw sa taong panuruan 2022-2023!