03/06/2026
Naipadala na kay Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez ang imbitasyon para sa pagdinig bukas ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng katiwalian sa flood control projects kung saan siya idinadawit.
Bilang courtesy, idinaan ang imbitasyon kay House Speaker Faustino Dy, na wala pang tugon sa ngayon.
Isang officer ng Blue Ribbon Committee ang nakalagda sa imbitasyon para kay Senator Pia Cayetano, na chairperson ng komite.
Matatandaang inimbitahan na rin si Romualdez at halos 20 pang kongresistang idinadawit sa flood control scam noong Nobyembre ng nakaraang taon, noong chairperson pa ng Blue Ribbon Committee si Senator Panfilo Lacson.
Pero tinanggihan noon ni Speaker Dy ang imbitasyon para kay Romualdez at sa iba pang kongresista dahil iniimbestigahan na sila noon ng nabuwag nang Independent Commission for Infrastructure.
Ipinadala rin muli kagabi ang imbitasyon para sa 18 nagpakilalang dating sundalong marino at umano’y bagmen ni dating Congressman Zaldy Co, na idinaan sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Ipinadala naman sa email at last known addresses ang imbitasyon sa mahigit 30 iba pang inimbitahan sa pagdinig, kabilang sina Mark Ticsay at Paul Estrada, na dati umanong executive assistants o trusted personnel ni Co. | via Maeanne Los Baños