
30/08/2025
𝗦𝗠𝗔𝗣, 𝗶𝗱𝗶𝗻𝗮𝗼𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗸𝘂𝗹𝗺𝗶𝗻𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗕𝘂𝘄𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗪𝗶𝗸𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗺𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝟮𝟬𝟮𝟱
Matagumpay na ipinagdiwang ng St. Mary's Academy of Palo Inc. ang kulminasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa," Biyernes, Agosto 29.
Bahagi ng pagdiriwang ang pagtatanghal ng Lakan at Lakambini 2025, Pagsayaw ng Katutubong Sayaw, Kundiman, at Pista sa Nayon.
Ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang ganda, talino, at kumpiyansa na sumasalamin sa pagiging huwarang kabataan sa Lakan at Lakambini kung saan itinanghal na Lakan ng Gintong Panahon 2025 si Ginoong Albert Militante ng Baitang 11–Simplicity at Lakambini ng Gintong Panahon 2025 naman si Binibining Gwyneth Palima ng Baitang 11–Fidelity.
Kasunod nito, umindak naman ang mga kalahok mula ikapito hanggang ika-labing isang baitang sa ginanap na patimpalak sa Pagsayaw ng Katutubong Sayaw. Sa bawat indayog ng galaw, sa kislap ng makukulay na kasuotan, at sa masining na pagsasabuhay ng tradisyon at kultura, itinanghal na kampeon ang ika-11 baitang.
Ginawaran din ang mga nanalong magaaral sa iba't-ibang patimpalak gaya ng Tagisan ng Talino, Pagbaybay, Paglikha ng Poster at Islogan, Kalookalike na ginanap sa buong buwan ng Agosto.
Ang buong selebrasyon ay hindi lamang nagbigay saya, bagkus ito ay nagsilbi ring inspirasyon at paalala sa lahat na ang ating wika ay ang tunay na salamin sa pagkakakilanlan ng ating pagiging Pilipino.
Sa pagwawakas, binigyan naman ng parangal ang mga Marian na nagkamit ng With Honors at Perfect Attendance sa Unang Markahan ng taong panuruan 2025-2026.
via C. Kaye and C. Hugo | TMA Correspondent
Photos by Z. Oliva, K. Martillano, and K. Garcia | Photojournalists