05/07/2025
Netizens at pamilya ni Emil Sumangil, nangangamba sa kaligtasan ng 24 Oras news anchor dahil sa exclusive report nito tungkol sa missing sabungeros
Marami ang nababahala ngayon para sa kaligtasan ng 24 Oras anchor at beteranong mamamahayag na si Emil Sumangil, kasunod ng serye ng kanyang ulat tungkol sa pagkawala ng mga sabungero simula pa noong Enero 2022.
Sa kanyang mga panayam kay Julie “Dondon” Patidongan, o mas kilala bilang alyas Totoy, ibinunyag ng whistleblower ang umano’y impormasyon kaugnay sa mga nawawalang sabungero. Isa sa mga pangunahing tinukoy sa panayam ay ang negosyante at gambling tycoon na si Charlie “Atong” Ang, na tinukoy umano bilang "mastermind" sa likod ng kaso.
Bukod kay Ang, binanggit din sa panayam ni Patidongan ang pangalan ng aktres na si Gretchen Barretto, ilang politiko, at ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Ang mga ulat ni Emil ay ipinalabas sa 24 Oras at iba pang news programs ng GMA-7 nitong mga nagdaang araw.
Dahil dito, marami sa mga tagasuporta ni Emil at netizens ang nagpahayag ng pag-aalala sa social media. Komento ng isang netizen, “Naku, delikado si Emil Sumangil neto.” Saad pa ng isa, “PROTECT EMIL SUMANGIL AT ALL COST.”
Sa isang press conference noong Hulyo 3, 2025, inakusahan ni Atong Ang ang GMA Integrated News ng hindi balanseng pamamahayag. Aniya, hindi umano kinuha ang kanyang panig bago inilabas ang ulat.
Pahayag ni Ang: “Lalo na sa Channel 7, nakikiusap ako sa media, gawin ninyong fair lang… Dapat tinanong muna nila. Binabalanse bago sila maglabas… Dapat kung may ganoong media… may nag-a-accuse, dapat yung ina-accuse, tatanungin muna bago maglabas.”
Inilabas naman ng GMA Integrated News ang kabuuang pahayag ni Ang sa kanilang mga balita.
Sa kabila ng tensyon, patuloy ang panawagan ng publiko para sa patas na pagbabalita at para sa kaligtasan ng mga mamamahayag na tulad ni Emil Sumangil.