
29/07/2025
2 Kongresista, Nahuling Nanonood ng Online Sabong Habang May Botohan sa Kamara, Bago ang SONA 2025
Dalawang miyembro ng Kamara ang namataan na abala sa kanilang mga smartphone habang nagaganap ang botohan sa plenaryo, ilang oras bago ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes, Hulyo 28.
Ayon sa ulat ng Abante News Online, isang kongresista ang nahuling nanonood ng online “sabong”, habang isa pa ay abala naman sa panonood ng laro ng bilyar sa kanilang mga telepono.
Hindi pinangalanan ang mga mambabatas sa ulat, ngunit nakuhanan umano sila ng larawan habang isinasagawa ang botohan para sa mga bagong lider ng Kamara sa ilalim ng ika-20 Kongreso. Muling nahalal si House Speaker Martin Romualdez (Unang Distrito, Leyte), habang si Rep. Sandro Marcos (Unang Distrito, Ilocos Norte) ang itinalagang House Majority Leader.
Matatandaang nitong Hunyo, inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na naglalayong tuluyang ipagbawal ang online sabong at mga kahalintulad na ilegal na aktibidad sa bansa. Kapag tuluyang naisabatas, awtomatikong mawawalan ng bisa ang lahat ng permit at lisensyang ibinigay sa mga e-sabong operators ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), at hindi na rin papayagan ang muling pag-isyu ng bagong lisensya.