06/08/2025
Isang positibong hakbang para sa mga mag-aaral ng lungsod ng Muntinlupa ang naabot matapos payagan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang muling pagbabalik ng public transport access sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Compound, alinsunod sa panawagan ni Mayor Ruffy Biazon na matugunan ang suliranin sa transportasyon ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun) at Muntinlupa National High School (MNHS).
Sa isang dialogue na ipinatawag ng alkalde at dinaluhan ng kinatawan mula sa BuCor, Barangay Poblacion, Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB), at Schools Division Office โ Muntinlupa, napagkasunduan na muling papayagan ang pagdaan ng mga public utility jeepneys (PUJs) sa NBP compound, sa ilalim ng ilang mahigpit na kondisyon para sa kaligtasan at kaayusan ng operasyon.
Kabilang sa mga itinakdang kondisyon ang pagsunod sa operating hours mula alas-4 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, at pagtatalaga ng mga itinalagang pick-up at drop-off points para sa mga pasahero. Ang ganitong setup ay kahalintulad ng point-to-point service, upang mapanatili ang organisadong daloy ng trapiko sa loob ng compound.
Bilang bahagi rin ng seguridad, kinakailangan ang wastong kasuotan ng mga driver, pagdaan sa drug testing, at pagkakaroon ng malinaw na identification numbers ng bawat sasakyan. Sa unang yugto ng pagpapatupad, limitado pa muna ang bilang ng papayagang jeep upang masuri ang epekto nito sa trapiko. Gayunman, bukas ang BuCor sa posibilidad ng pagbabago sa bilang depende sa magiging resulta ng trial implementation.
Inaasahan na masisimulan ang trial implementation ng bagong sistema sa susunod na linggo, sa tulong ng koordinasyon ng ibaโt ibang sektor. Umaapela naman ang pamahalaang lungsod sa publiko para sa kooperasyon, disiplina, at pasensya upang maisakatuparan ang maayos at mapayapang pagpapatupad ng nasabing hakbang.
Photos: CGOM (FACEBOOK)