
24/07/2025
Kabanata 12
Luha at Pangil
Dahan-dahang lumapit si Tatang Estong, tahimik lang, kalmado ang kilos, ngunit matalim ang tingin.
Hawak niya ang mahabang sibat na yari sa yakal at bakal. Hindi ito basta bastang sibat—ito ay matandang sandata ng sundalo. Makintab ang dulo, may mga ukit ng sinaunang titik sa kahabaan nito.
"Isa ka ngang hayop, Carding," malamig ngunit matatag ang tinig ni Tatang Estong. "Pero binabalaan kita: tigilan mo ang iyong asawa't anak bago mo pa pagsisihan ang lahat."
"Tsk!" sabay tawa ni Carding, halos mapatawang pilit.
"Sa tingin mo, ermitanyong Estong, sa tanda mong 'yan na halos mag-iisang siglo na—kaya mo akong pigilan?"
Gumalaw siya ng paikot, parang tinatantya ang puwesto ng paparating na matanda, hawak ang itak at kumpol ng puno ng mais at handang umatake.
"Maaaring hindi ko na kayang sanggain o sabayan ang lakas mo Carding..." ani ni Tatang Estong habang bahagyang pinihit ang sibat sa k**ay. "Pero paano sila?"
Itinuro niya ang mga papalapit mula sa kagubatan. Tumambad ang tatlong mababangis na a*o-sina Narra, Apitong, at Tindalo—sumusunod kay Tatang Estong na tila mga sundalong sinanay sa pakikipagdigma.
Tahimik lang ang bawat isa ngunit nakalabas ang mga pangil. Ang balahibo nila'y nakataas, ang mga mata'y nakatutok lang kay Carding, parang sinasabi nilang isang galaw mo lang, gugutay-gutayin ka namin.
"P-pu-p*tang *na..." usal ni Carding, unti-unting umatras. "Mga a*o mo..."
"Hindi lang sila basta mga a*o at di rin sila umaatake sa iisang direksyon lang na pwede mo lang basta-basta tagain," sagot ni Tatang Estong habang tinitingnan ang dulo ng sibat niya. "Mga kasama ko sila sa gubat na sinanay mula sa bawat araw at gabi ng panganib. Maaaring kayang matamaan ng itak mo ang isa sa kanila... pero-iwan kung kaya mong pigilan silang tatlo ng sabay-sabay at iwan kung bubuhayin ka pa ba nila kapag nag-umpisa na."
Tahimik.
Bago pa man tuluyang magbanggaan ang bangis ni Carding at ang galit ni Tatang Estong, may biglang gumalaw mula sa gilid ng maisan. Mabilis ang mga yabag—maliit, ngunit matatag.
Isang munting anino ang sumuot sa ilalim ng mga tuyong tangkay at damo. Lumabas mula sa lilim si Rambo, ang itim na tuta na may puting guhit sa noo, ang batang bantay ni Marcelino.
Sumugod ito sa gitna ng kaguluhan—tahimik, determinado at agad nilapitan ang nakasalampak pa ring si Marcelino na yakap ng sugatang inang si Corazon.
Dinilaan nito ang mukha ng batang amo, pilit binubura ang luha sa pisngi, pilit ipinapaabot ang kanyang damdamin: Nandito ako. Hindi kita iiwan.
Pagkatapos ng ilang saglit, umalpas si Rambo mula sa pagkakadikit kay Marcelino. Tumindig ito sa pagitan nila at ng lalaking may hawak na itak—si Carding.
Naniningkit ang mga mata ni Rambo. Nakabuka ang bibig, ngunit hindi tumatahol. Umuugong ang kanyang dibdib sa pigil na galit. Sa kanyang murang katawan, nagsimulang lumitaw ang likas na tapang ng isang a*ong handang mamatay alang-alang sa kanyang amo at kaibigan.
"Aba, lalaban ka sa'kin, ha?!" mapanlibak na sigaw ni Carding habang itinaas ang kumpol ng mga tangkay ng mais. "Pinapakain ka sa bahay na wala ka namang ambag-tuta ka lang, gaya ng amo mong inutil!"
Walang sagot si Rambo. Hindi rin ito umurong.
Hinampas ni Carding ang tuta ng kumpol ng mais, ngunit mabilis itong nailagan ni Rambo. Kumapit ang mga paa nito sa lupa at mabilis na bumaluktot paalis-kaliwa, kanan—parang aninong sumasayaw sa hangin.
Sa ikalawang hampas, umatras si Rambo sa gilid. Matapos nito'y tumayo siyang muli, mas malapit na, mas matatag. Hindi siya umuungol. Hindi rin siya nagpakita ng takot.
Napangisi si Carding at itinaas ang itak.
"Ayos. Subukan mong sumunggab, para matapos na kayo ng amo mong palamunin!"
Ngunit bago niya maibaba ang matalim na bakal, isang sigaw ang pumunit sa katahimikan.
"RAMBO, HUWAG!" sigaw ni Marcelino habang pilit bumangon sa pagkakaluhod sa lupa.
Napalingon si Rambo. Sa isang iglap, tila naunawaan nito ang kahulugan ng tinig—ang desperadong pakiusap ng kanyang amo. Huminto ito. Huminga nang malalim.
Sa kanyang murang edad, si Rambo ay hindi lang a*o. Isa siyang saksi. Isa siyang sundalo. Isa siyang gamu-gamo na handang lumipad sa apoy—ngunit hindi basta-bastang susunod sa galit, kundi sa panawagan ng puso upang protektahan ang batang mahal niya.
Itinaas muli ni Carding ang itak.
Ngunit ngayon, may kumalansing na bakal sa likuran niya.
"Isang galaw pa Carding... at ako na ang huling haharap sa'yo."
Tumigil si Carding. Sa kanyang batok, ramdam niya ang dulo ng sibat ni Tatang Estong, nakatutok na ngayon sa kanyang leeg. Nasa likod niya ang matanda, nakaposisyon, walang alinlangan.
Sa tabi ng matanda, umangil na rin ang tatlong dambuhalang a*o—Narra, Apitong, at Tindalo. Lahat sila, nakaabang. Sapat na ang isang galaw ni Carding upang mapaslang siya sa mismong bukid na iniwan niya sa kanyang anak na walang ni isang pasasalamat.
Nanginig ang k**ay ni Carding. Tumitig siya kay Apitong—pinak**alaki sa tatlo. Tila ito isang halimaw sa gabi, may balak sa mata, at bahagyang lumalapit habang pa-diagonal ang lakad. Sumusunod sina Narra at Tindalo, parehong nakababa ang ulo, handa nang tumalon.
"A-ayos lang... Aayos lang..." usal ni Carding, itinaas ang k**ay bilang pagsuko. "Hindi naman ako-hindi ko naman talaga..."
"Magpakalalaki ka," putol ni Tatang Estong. "Kahit isang beses. Harapin mo ang ginawa mong kasalanan. Tingnan mo ang asawa mong sugatan. Tingnan mo ang anak mong may lagnat, basag ang balat, pasa-pasa—pero ikaw, mas galit ka pa sa mga tanim mo na normal lang na kainin ng mga daga dahil sa kapabayaan ko kaysa sa maawa sa mag-ina mo."
Tahimik.
Tahimik ang paligid-maliban sa kaluskos ng hangin at buntong-hininga ni Corazon habang yakap pa rin si Marcelino sa lupa. Hawak niya ang likod ng bata, pinoprotektahan kahit duguan na ang labi.
"Kung may natitira pa sa iyong konsensya," dagdag ni tatang Estong, "bitawan mo ang itak-at lumayo ka."
Nakapako ang tingin ni Carding kay Apitong. Nagsalubong ang kanilang mga mata—at tila may bagay siyang nakita roon na hindi niya maipaliwanag. Takot. Takot na hindi pa niya naramdaman kahit kailan.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang itak. Isinuksok sa baywang.
Tahimik siyang umatras.
Hindi na nagsalita.
Hindi na tumingin pa kay Marcelino ngunit ng makalayo sakay sa kanyang kalabaw kasama ang tatlong anak ay sumigaw ito, "hindi pa tayo tapos ermitanyo!"
Nang mawala siya sa paningin, lumuhod si Tatang Estong sa tabi nina Marcelino at Corazon. Tiningnan niya ang mga sugat ng bata, ang bahid ng luha at pawis, at ang nanlalamig nitong katawan.
"Kailangan nating ilayo 'to," aniya. "Baka sa susunod, hindi na latay lang ang abutin."
Dumapo ang palad ni Estong sa noo ni Marcelino.
"Nilalagnat ang bata."
"Anong gagawin natin tatang, wala akong dalang gamot rito?" tanong ni Corazon, nanginginig ang boses.
"Dalhin ko siya," sagot ng matanda. "Sa kubo ko sa gubat—ako na muna ang bahala sa kaniya."
Hindi na sumagot si Corazon. Tumango lang—at sa mga mata niya, nandoon ang lungkot, takot, at... pag-asa.
Tahimik na napatingin si Marcelino sa matanda. Sa mga mata nito, nakita niya ang bagay na matagal na niyang hindi naramdaman—pagkalinga.