11/05/2026
SEN. BATO DELA ROSA PROTEKTADO NG SENADO
Pinasailalim na sa proteksiyon ng Senado si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa matapos ang tensyonadong habulan sa loob ng gusali ng Senado na kaugnay sa ulat ng umano’y ICC warrant.
Inihain ni Sen. Rodante Marcoleta ang mosyon na ilagay si Dela Rosa sa ilalim ng seguridad ng Senado, na agad namang inaprubahan ng plenaryo.
Layunin nitong tiyakin ang kanyang kaligtasan at bigyan siya ng pagkakataong tugunan ang mga legal na usapin.
Habang sinusulat ang balitang ito, nasa tanggapan ni Senate President Alan Peter Cayetano kapwa ang hepe ng NBI at NCRPO upang pag-usapan ang sitwasyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano, iniutos sa bagong Sergeant-at-Arms na imbestigahan ang insidente at ipatupad ang contempt citation laban sa mga taong humabol kay Dela Rosa.
Ipinakita sa CCTV ang ilang indibidwal na tumatakbo at humahabol sa senador, dahilan upang ipag-utos ni Cayetano ang lockdown ng Senado.
Ayon kay Dela Rosa, hinarang siya ng mga tauhan ng NBI sa pasukan ng gusali.
Ang mga sangkot ay tinukoy ng Senado at sinampahan ng contempt, bagama’t hindi pa inilalabas ang kanilang mga pangalan.
Ang proteksiyon ay ipinagkaloob ilang oras matapos ang pagbabalik ni Dela Rosa sa Senado, kung saan siya ay bumoto sa pagpapatalsik kay Sotto at sa pagluklok kay Cayetano bilang bagong Senate President.
Ang hakbang ay nagpapakita ng mas mahigpit na kontrol ng bagong pamunuan sa seguridad ng Senado, lalo na sa gitna ng nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Para kay Dela Rosa: Ang proteksiyon ay patunay ng seryosong pagtutok ng Senado sa kanyang kalagayan