06/09/2026
PlayStation Rental Noong ’90s
Noong late ’90s, wala pang internet sa bahay. Wala pang Facebook, YouTube, o online games.
Pero pagkatapos ng klase, alam na namin kung saan pupunta.
Sa PlayStation rental sa kanto.
Maliit lang yung lugar. May ilang lumang TV, mga PlayStation na nakapatong sa mesa, at mga batang halos mag-agawan sa controller.
Pagpasok mo:
“Kuya, may available?”
“Meron. Number 3.”
“Magkano?”
“Bente isang oras.”
Pag may ₱20 ka, parang sapat na para sa buong mundo.
Tapos isang araw, may bagong laro...
Isang hapon, may nakita kaming bagong PlayStation disc sa rental shop.
Hindi namin kilala.
Castlevania: Symphony of the Night.
“Anong game ’yan?”
“Castlevania daw.”
“Parang pang-Nintendo ah.”
Pero nang makita namin yung cover at nagsimula yung laro, curious agad kami.
Si Alucard ang character.
Madilim ang castle.
May kakaibang music.
At iba yung gameplay.
Hindi lang basta suntukan.
May exploration, mga secret room, bagong armas, armor, magic at kung anu-anong monsters.
“Pre, saan tayo pupunta?”
“Ewan.”
“Balik ka doon sa taas.”
“Bakit?”
“Baka may secret.”
At doon kami nagsimulang mag-explore ng buong castle.
“Pre, may bagong weapon!”
Isa sa pinakamasayang parte noon yung may makikita kang bagong item.
“Hoy! May nakuha akong sword!”
“Malakas ba?”
“Hindi ko alam. Try natin.”
Tapos bawat makitang pinto:
“Baka may secret dito.”
Bawat sulok ng castle:
“Try mo suntukin.”
Bawat pader:
“Baka may hidden room.”
Wala kaming internet para tingnan ang walkthrough.
Kung hindi namin alam kung paano pumunta sa isang lugar, kami mismo ang naghahanap.
Minsan isang oras kaming paikot-ikot.
“Pre, parang napuntahan na natin ’to.”
“Hindi. Iba ’to.”
“Pareho lang.”
“Hindi nga!”
Tapos malalaman mong tatlong beses na pala kayong dumaan sa parehong hallway.
At doon namin nakilala si Dracula
Habang tumatagal, lalo naming gustong malaman kung ano ang mangyayari sa story.
May mga character na kakaiba.
May mga boss na mahirap.
At siyempre, may mga pagkakataong mapapamura ka kapag natalo.
“Patay!”
“Isa pa!”
“Wala nang time!”
“Kuya! Dagdagan mo!”
“Bayad muna.”
“Bukas na lang.”
At doon na naman matatapos ang session.
Ang pinaka-masakit na salita: “Time!”
Nasa kalagitnaan ka ng laro.
May boss ka nang kinakalaban.
Halos patay na.
Tapos maririnig mo:
“Time!”
“Kuya, last five minutes!”
“May naghihintay.”
“Save muna!”
“May memory card ka?”
“Wala.”
“E di bukas.”
At mapapatingin ka na lang sa screen.
Game Over.
Hindi dahil natalo ka.
Kundi dahil wala ka nang pambayad.
Ikaw anong kwento mo noon sa PlayStation Rental nalaro mo rin ba ang Castlevania Symphony of the Night..