26/10/2025
Nilisan ni Heneral Gerard Alexander Baranda Fallarme ang mortal nating entablado noong ika 19 ng Oktubre, Dos Mil Veinticinco, sa panahon ng ligalig at dilim, sa gitna ng liwanag ng kanyang sining.
Dalawampung taon siyang nagsilbing heneral ng liwanag—walang pagod na humuhubog ng mga espasyo, lumilikha ng mga daigdig, kumakatha ng mga kalawakan gamit ang mga imaheng supling ng hinulma niyang liwanag. Isa siyang premyado at ang nangungunang alagad ng sining sa projection at video design sa Pilipinas.
Tinagurian siyang Alyas Gunita sa hukbo ni Pingkian. Dalawang dekada niyang binuhay ang mga entablado sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasanib ng naratibo at motion graphics—bagay na lalong nagpalalim at nagpalawak sa mga gawa ng kapwa niya alagad ng sining, at nagpakintal ng kanilang mga palabas sa gunita ng mga manonood na Filipino.
Si GA ay naging print model bago naging disipulo ni Raymund Isaac, naging aktor sa musikal at dula ni Shakespeare, katuwang ng maraming direktor sa pagkukuwento, mentor ng mga batang designers, isang matalik na kaibigan, at BFF ng lahat. Kilala siya ng lahat sa kanyang pagiging mapagbigay nang taos sa puso. Iniwanan niya tayo ng napakaraming disenyo, konsepto, at mga palabas bilang paalala sa atin na ang kagandahan ng sining ay tunay na mapagpalaya.