14/01/2026
Pagpapatupad ng City Ordinances at Pag-iisyu ng Ordinance Violation Receipt (OVR)
Ipinababatid sa publiko na mula nang ma-deputize ang mga Enforcers ng Peace and Order Department na sumailalim sa kaukulang OVR Training at mabigyan ng awtoridad na mag-isyu ng Ordinance Violation Receipt (OVR), ay naitala na ang kabuuang limampung (50) indibidwal na nabigyan ng OVR bunsod ng paglabag sa ibaโt ibang City Ordinances na ipinatutupad ng ating Lungsod at Barangay, sa panahon mula Oktubre hanggang Disyembre 2025.
Ipinababatid din na ang pagpapatupad ng mga nasabing ordinansa ay hindi lamang isinasagawa ng mga Deputized Enforcers ng Peace and Order Department, kundi pati na rin ng mga awtorisadong yunit at katuwang na ahensya tulad ng Bantay Pasig Division, Philippine National Police (PNP) SUB-5, at Kabataan Patrol, bilang bahagi ng pinagtibay na ugnayan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa komunidad.
Alinsunod dito, ipinaaalam na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa, kabilang ang pag-iisyu ng OVR sa sinumang mahuhuling lalabag, alinsunod sa itinakdang proseso at umiiral na mga patakaran.
Ang nasabing hakbang ay ipinatutupad alinsunod sa mga direktiba ng Punong Barangay, G. Robin Rin Salandanan, at ng Co-Chairman ng Peace and Order Department, Kagawad Arcie Lucas, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang barangay na mapanatili ang kaayusan, disiplina, at kapayapaan sa komunidad.
Hinihikayat ang lahat ng mamamayan na makiisa at sumunod sa mga umiiral na ordinansa para sa ikabubuti ng nakararami.