27/07/2025
PERMANENT SOLUTION SA BAHA SA PAMPANGA, IDUDULOG KAY PBBM - SEN. LAPID
ISASANGGUNI na ni Senador Lito Lapid kay President Ferdinand Marcos Jr. ang problema sa matinding baha sa lalawigan ng Pampanga upang mahanapan ng permanenteng solusyon.
“Hindi lang dito sa Pampanga halos buong Pilipinas, halos nationwide itong kalamidad natin. Sana huwag silang mag-alala nandyan ang mga local official natin, nandyan ang ating mahal na Pangulo, hindi kayo pababayaan. Kami, kaming mga Senador, ako mismo at isasama ko na ang mga Senador na kasama ko, lahat ng local official, kailangan wag nating pabayaan ang mga kasama natin. Kailangan tulong-tulong at magkaisa tayo”, ayon kay Lapid
Inihayag pa ni Lapid na nagkakaisa sila nina Gov. Lilia Pineda, Vice-Gov. Delta Pineda at Cong. Ana York Bondoc na mabisang solusyon sa baha ay ang ‘dredging’ at ‘disiltation’ ng mga ilog na nag-uugnay sa Pampanga, Bulacan at Tarlac.
Nakisimpatiya si Lapid sa madalas na problema sa baha ng mga kababayan natin.
Kasabay ito ng personal na pagbisita at paghahatid ng tulong ni Lapid sa mga apektadong residente sa limang bayan sa Pampanga nitong Sabado, July 26.
Ito ay ang bayan ng Sasmuan, Minalin, Sto. Tomas, Macabebe at Masantol na lubog pa rin sa baha dahil sa Habagat at ilang nagdaang magkakasunod na bagyo.
Umabot sa 4,000 pamilya ang nabigyan ng food packs ni Lapid katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Sa ngayon, pagkain ang pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng bagyo at habagat sa Pampanga,” ayon kay Lapid
Sinabi pa ng Senador na malaking problema nila ang baha sa Pampanga dahil ito ang nagsisilbing “catch basin” ng tubig mula sa mga karatig probinsya.
Naging Gobernador ng Pampanga si Senador Lapid mula 1995 hanggang 2004. End