22/12/2025
๐๐จ๐ง๐ญ๐ก๐ฅ๐ฒ ๐๐ซ๐ฎ๐ฌ๐๐๐: ๐๐๐๐๐ฆ๐๐๐ซ ๐๐๐๐ ๐๐ฌ๐ฌ๐ฎ๐
๐ฃ๐ฎ๐ป๐ฎ๐๐ฎ๐ป๐ด ๐ ๐ฎ๐ธ๐ฎ๐๐ฎ๐น๐ฎ๐ป๐ฎ๐ป
Merry na, Christmas pa! Sarah Discaya, naging emosyonal nang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong graft at malversation kaugnay sa 96-million pesos na Davao Oriental flood control ghost projects, nitong ika-18 ng Disyembre, 2025.
Malamig na ang simoy ng hangin, napuno na ng makulay na mga pailaw ang mga bahay-bahay, at nagsimula nang mabalot ng ingay ang mga kalsada mula sa mga kalansing ng mga nangangaroling. Sa mga sandaling iyon, umalingawngaw na rin ang kampana ng simbahan, oras na ng simbang gabiโpanahon na para sa nobenang panalangin.
Taon-taon simbang gabi ang kaugalian na ipinagdiriwang ng mga Romanong Katoliko sa papalapit na pagsapit ng kapaskuhan. Ito ang panahon upang ihanda ang puso sa pamamagitan ng panalangin, sakripisyo, at pag-asa. Paniniwala ng maraming Pilipino rito, kapag nakompleto ang siyam na simbang gabi ay ipagkakaloob ng Panginoon ang isang mabuting kahilingan.
Ngunit paano kung ang aking mga panata ay isinilang mula sa galit at uhaw sa katarunganโ para sa mga ordinaryong Pilipinong patuloy na nagdurusa dahil sa kalapastanganang kapabayaan ng dapat pumuprotekta sa bayan, ngunit sa halip ito'y lantarang ninanakawan. Makasalanan nga bang kung ituring ang aking munting hiling: Magpasko sana sa kulungan ang mga kurakot ng lipunan.
Sa nagdaang mga buwan, sinampal ang bansa ng sunod-sunod na mga kalamidad. Mula sa mga hagupit ng bagyo, hanggang sa malalakas na lindolโtila walang panangga ang mga Pilipino para rito, patuloy na naiiwang lunod sa baha hindi lamang ang kanilang mga bahay, kundi pati na rin ang kanilang mga buhay.
Ayon sa mga datos, tinatayang libo-libong Pilipino ang nasawi ngayong taon dahil sa mga kalamidad. Bilyon-bilyong piso rin ang mga halagang nasira na mga kabahayan at imprastraktura. Kung tutuusin, unti lang o 'di kaya wala sanang masasawi ang buhay, kung napunta lamang sa wasto at maayos ang trilyong pondong nakalaan para sa mga flood control projects at calamity fund na poprotekta sana ng sambayanan sa oras ng sakuna. Subalit ito'y imposible sa bayang dapat na mayaman, ngunit ninanakawan.
Malinaw na ang korupsyon ay hindi lamang pagnanakaw sa kaban ng bayan, bagkus ito rin ay pumapatay ng sambayanan.
Ngayong kapaskuhan, hindi mabilang ang mga tanong na pumasok sa aking isipan. Paano kaya magpapasko ang mga pamilyang dinaanan ng matinding delubyo? Kung ang kanilang bahay ay nilamon at dinurog na ng sakunaโmay tahanan pa kaya silang masisilungan? May hapag pa kaya silang mapagsasaluhanโkung ang mga bakanteng silya ay hindi na muling mauupuan dahil wala na ang kanilang mga mahal sa buhay.
Bagama't umiiyak ngayon si Sarah Discaya sa halong pagsisisi at pag-aalala para sa mga anak, ngunit kailanman ba niyang iniyakan ang mga pamilyang hindi na muling nagising sa pag-asang winasak ng pagnanakaw sa pera ng taumbayan? Hindi siya ang dapat kaawaan, kundi ang mga Pilipinong nagkakandakuba sa pagtatrabaho upang magbayad ng buwis na sa huliโy napupunta lamang sa bulsa ng mga buwaya.
Dahil dito, patawarin na sana ako ng Panginoon dahil mas nanaig ang aking mga makasalanang panata ngayong simbang gabi. Para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, sa mga kabataang natanggalan ng kinabukasan, at sa bayang lunod sa kasakimanโnawa'y lahat ng sangkot ay managot na. Tuluyan nawang magdiwang ng kapaskuhan ang mga trapo ng lipunan sa bilangguan.
Layout by ๐จ: Janice, Layout Artist
Writer โ๏ธ: Jurist, Contributor Writer