01/11/2025
: Kung Saan Naglalagi ang Liwanag
Tuwing dumarating ang Nobyembre, tila humihina ang ingay ng mundo. Ang mga kalyeng dati ay puno ng tawanan ay napapalitan ng tahimik na paglalakad papunta sa sementeryo, bitbit ang mga kandila, bulaklak, at alaala. Ganito talaga kapag Undasâpanahon ng paggunita at pagbalik, panahon ng muling pagkikita ng mga buhay at alaala ng mga pumanaw.
Habang inaayos ni Mama ang mga puting bulaklak sa puntod ni Lolo, ako namaây nakaupo sa gilid, pinagmamasdan ang liwanag ng kandila. Ang mga apoy na iyon, tila maliliit na bituin sa lupang naglalagablab, sumasayaw sa hangin, at unti-unting nauupos. Parang buhay din natin: maliwanag sa umpisa, ngunit dahan-dahang nauubos habang dumaraan ang mga taon. Ngunit kahit nauupos, may init pa ring naiiwan buhat ng pagmamahal.
Naalala ko tuloy kung paanong dati, sa tuwing Undas, sabay-sabay kaming pamilya at may dalang pagkain, may kuwentuhan, may halakhakan; nagiging parang munting reunion. Ngayon, ilan sa kanila ang tanging larawan na lamang ang kasama namin. Nakakatawa, âno? Sa gitna ng katahimikan ng sementeryo, doon mo madalas maramdaman ang pinakamalakas na pintig ng puso.
Ngunit ngayong lumaki na ako, napagtanto kong hindi lang pala sa sementeryo matatagpuan ang mga patay. May mga nilalang na humihinga pa, ngunit matagal nang nilamon ng katahimikan. Ang aking ina, buhay siya, oo, ngunit may bahagi sa kanyang namatay noong araw na isinilang ako. Lagi kong naririnig sa kanyang tinig ang pagod na tila hindi galing sa katawan kundi sa kaluluwa. Minsan, nakikita ko siyang nakatitig sa bintana, para bang may hinihintay na hindi na babalik. Ang mga kamay niyang minsang puno ng pangarap, ngayoây abala sa paglalaba, pagluluto, at paglimot. Sa bawat pagsindi ng kandila, naiisip kong baka iyon din ang apoy ng kaniyang mga dating pangarap na nauupos ngunit patuloy pa ring nagbibigay-liwanag.
Ang aking ama naman, matagal nang wala. Hindi siya namatay, pero iniwan niya kami nang hindi man lang lumingon. Sa kanya ko natutuhang minsan, may mga buhay na parang aninong dumaraan lang, walang bakas kundi malamig na puwang sa hapag-kainan. Wala akong puntod na dinadalaw para sa kanya, pero tuwing Nobyembre, nag-aapoy din ang kandila sa loob koâisang apoy ng pag-unawa at pagtanggap na hindi lahat ng pagkawala ay kailangang hanapin muli.
At siyempre, may mga tunay na paglisan. Ang aking mga loloât lola, na ngayon ay payapang nakahimlay sa ilalim ng mga bulaklak. Sila ang nagturo sa akin kung paano tumawa nang walang pag-aalinlangan, kung paanong kahit ang hirap ay kayang lampasan bastaât may pananampalataya. Sa kanila ko unang natutuhan na ang kamatayan ay hindi kabaligtaran ng buhay, kundi karugtong nitoâisang tahimik na pagbabalik.
Habang pinagmamasdan ko ang mga kandilang nagsasayaw sa hangin, napaisip ako kung gaano karami sa atin ang pinapanday ng apoyâapoy ng sakit, ng pag-ibig, at ng pagbangon. Ang bawat pagsindi ay paalala ng mga taong minsang nagbigay-liwanag sa ating dilim, at kahit matagal na silang naglaho, patuloy pa rin silang naglalagablab sa loob natin, sa mga bahagi ng pusong natutong magmahal at magpatawad.
Kaya ngayong muli na namang nagbabalik ang Nobyembre, habang naglalaro sa isipan ko ang mga alaala ng nagsipaglisan, pinipili kong ngumiti. Sapagkat sa bawat sindi ng kandila, may pag-asang muli silang nabubuhay sa ating puso. Sa mga bulaklak na nalalanta, sa mga halakhakang nauulit taon-taon, at sa mga dasal na mahina ngunit taos, patuloy silang nabubuhay sa atin.
Ang alaala ay parang kandilang kahit tuluyang matunaw, patuloy pa ring nagbibigay-liwanag. Sapagkat habang may nagmamahal, habang may umaalala, hindi kailanman tuluyang mamamatay ang mga naiwan nilang bakas sa ating kaluluwa. Doon, kung saan naglalagi ang liwanag, patuloy silang nabubuhay.
Isinulat ni: Carissa Danielle Breis
Publikasyong Materyal mula kay: Euline Pulido