03/08/2026
Cagayan Vice Gov. Mamba, sinuspinde ng 90 araw
Pinatawan ng 90-araw na preventive suspension si Cagayan Vice Governor Manuel Mamba ng Regional Trial Court (RTC) Branch 17 ng Batac City.
Sa Order na may petsang Hulyo 28, 2026, pinagbigyan ng korte ang Motion to Suspend Accused Pendente Lite na inihain ng prosekusyon at ibinasura ang Motion to Quash Information ng depensa.
Nahaharap si Mamba sa kasong paglabag sa Section 3(i) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa korte, balido ang Information laban sa bise gubernador sa anyo at nilalaman, kaya dapat ituloy ang paglilitis.
Nag-ugat ang mosyon sa pagpapalabas ng korte ng Warrant of Arrest laban kay Mamba noong Marso 26, 2026 matapos makitaan ng probable cause ang kaso. Nakapagpiyansa siya sa pamamagitan ng cash bond noong Marso 30, 2026.
Noong Abril 21, 2026, humiling ang prosekusyon na suspindihin si Mamba alinsunod sa Section 13 ng RA 3019, na nag-aatas ng mandatory preventive suspension kapag balido ang information at naisilbi na ang warrant.
Inatasan ng korte si Mamba na huwag munang gampanan ang anumang pampublikong tungkulin sa loob ng 90 araw.