07/10/2025                                                                            
                                    
                                    
                                                                        
                                        PNP NASABAT ANG ₱11-MILYONG HALAGA NG SMUGGLED NA SIGARILYO SA NEGROS OCCIDENTAL
Alinsunod sa matatag na pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa kanyang direktiba na paigtingin ang pambansang kampanya laban sa economic sabotage at ilegal na kalakalan, muling nakapagtala ng malaking tagumpay ang Philippine National Police sa patuloy nitong laban kontra smuggling matapos maaresto ang dalawang lalaking suspek—may edad 42 at 39 taong gulang—na sangkot sa ilegal na pagbiyahe ng mga smuggled na sigarilyong nagkakahalaga ng mahigit ₱11.1 milyon sa Himamaylan City, Negros Occidental noong Oktubre 4, 2025.
Bandang alas-11 ng umaga, nagsagawa ng pinagsanib na operasyon ang Regional Maritime Unit–Negros Island Region at Himamaylan City Police Station matapos mamataan ang dalawang indibidwal na may kargang mga kahon ng pinaghihinalaang smuggled na sigarilyo mula sa isang puting FUSO panel truck. Nang inspeksyunin, nabigo ang mga suspek na magpakita ng mga dokumento mula sa Bureau of Customs na nagpapatunay ng pagbabayad ng kaukulang buwis at legal na pag-aangkat.
Nasamsam sa operasyon ang 170 kahon (8,500 reams) ng PURE ci******es;15 kahon (750 reams) ng FORT ci******es; 5 kahon (250 reams) ng BERLIN ci******es; at isang puting FUSO Panel Truck na may plakang GPM 489.
Tinatayang aabot sa ₱11,127,000 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na produkto.
Alinsunod sa wastong legal na proseso, dinala ang mga suspek sa Maritime Law Enforcement Team Himamaylan, Bacolod City para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Section 1401 ng Republic Act 10863 (Unlawful Importation) at Section 6 ng Republic Act 10643 (Graphic Health Warnings on To***co Products Act of 2014).
“Ang operasyon na ito ay malinaw na mensahe sa mga patuloy na sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa—ang smuggling ay hindi lamang pandaraya, ito ay pagtataksil sa sambayanang Pilipino. Sa ilalim ng aking pamumuno, paiigtingin ng PNP ang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Customs at iba pang ahensya upang tiyaking ligtas ang ating mga daungan at rutang kalakalan laban sa mga mapagsamantalang negosyante,” pahayag ni PNP Acting Chief, PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Dagdag pa niya, ang tagumpay na ito ay patunay ng paninindigan ng PNP sa katapatan, disiplina, at pananagutan—kaakibat ng adhikain ng administrasyon tungo sa “Bagong Pilipinas” na tapat, maayos, at makatao.
Samantala, pinuri naman ni PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga yunit na nagsagawa ng operasyon: “Bawat shipment na ating napipigilan ay hakbang patungo sa pagprotekta sa mga lehitimong negosyo at sa pagtiyak na ang kaban ng bayan ay hindi ninanakaw ng mga smuggler.”
Sa pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya kontra smuggling, nananatiling matatag ang PNP sa pagsisilbi—hindi lamang upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, kundi upang ipagtanggol ang kabuhayan at dangal ng sambayanang Pilipino.
Sa diwa ng Bagong Pilipinas, patuloy na magbabantay ang PNP sa bawat pantalan, bawat kalsada, at bawat baybayin ng bansa—upang mapanatiling malinis, tapat, at ligtas ang daloy ng ating ekonomiya.