02/06/2026
Bago pa sumikat ang mga beach ng Palawan, matagal nang naririnig mula sa mga kagubatan nito ang mga tunog ng mga ibong dito lang matatagpuan.
May matalim at mabilis na parang tumatagingting na tawa. Meron ding pa-flute na sipol na pataas-baba ang tono.
Habang tayo’y naaakit sa dagat at dalampasigan, ang mga ibong likas lamang na matatagpuan sa Palawan naman ay umaasa sa lalim at katahimikan ng gubat para mabuhay.
Isa na rito ang Spot-throated Flameback na isang woodpecker na may nagliliyab na gintong likod at pulang balahibo sa ulo. Maririnig mo ang mabilis nitong “toktok” habang tumutuka sa puno para maghanap ng insekto.
At sa mas malalim na bahagi ng kagubatan, naroon ang White-vented Shama. Madaling makilala dahil sa makintab nitong itim na balahibo at tila malambing na huni na bumabalot sa gubat.
Patuloy silang nabubuhay dahil nananatiling konektado at protektado ang mga kagubatan ng Palawan, mula bakawan hanggang kabundukan. Pero kapag nawala ang gubat, mawawala rin ang tahanan nila.
Kaya ang tunay na yaman ng Palawan ay hindi lang ang mga tanawing dinarayo natin, kundi ang mga buhay na patuloy nating pinoprotektahan para sa susunod na henerasyon.
Produced with the support of the Earth Journalism Network.