25/07/2025
๐๐ข๐ง๐ญ๐ ๐ง๐ ๐๐๐ญ๐จ๐ญ๐จ๐ก๐๐ง๐๐ง
Ang kalayaan sa pamamahayag ay isa sa pinakamahalagang haligi ng isang mapagpalayang lipunan. Ito ang nagsisig**o na ang bawat mamamayan ay may ay alam sa tama, patas, at napapanahong impormasyon. Ito rin ang nagbibigay-lakas sa taumbayan na maging mapanuri, magtanong, at managot ang mga nasa kapangyarihan. Subalit sa paglipas ng panahon, kasabay ng palitang tensyong bumabalot sa lipunan, patuloy ring hinahamon ang kontekso ng isang malayang midya sa bansa at sa buong mundo.
Sa Pilipinas, ang kasaysayan ng press freedom ay hindi naging madali. Noong panahon ng Batas Militar, ipinataw ang mahigpit na sensura sa lahat ng anyo ng pamamahayag. Isinara ang mga pahayagan, pinatahimik ang mga tinig, at pinatawan ng matinding parusa ang mga naglakas-loob na magsiwalat ng katotohanan. Sa kabila nito, may mga mamamahayag na hindi natinag bagkus gumamit ng alternatibong publikasyon at patagong inilathala ang mga isyung pilit itinatago ng estado. Patunay ito na ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi isang pribilehiyong ibinibigay lamang, kundi isang karapatang ipinaglalaban.
Sa kasalukuyan, patuloy ang banta sa kalayaang ito. Bagamaโt wala nang opisyal na sensura, mas komplikado at mas tuso ang mga anyo ng pananahimik. Nariyan ang disimpormasyon, fake news, red-tagging, online harassment, at paggamit ng batas upang litisin ang mga mamamahayag na pumupuna sa pamahalaan. Sa ilang pagkakataon, may mga digital na pahayagan o platapormang sinasadyang idaan sa teknikal na paninira upang mawala sa mata ng publiko. Ang mga ganitong kilos ay hindi simpleng pag-atake sa mga mamamahayag; ito ay direktang paglabag sa karapatan ng mamamayan na malaman ang totoo.
Sa kabila ng mga hamong ito, nananatiling buhay ang apoy ng paninindigan. Patuloy na tumitindig ang mga mamamahayag na may iisang layuning ipaglaban ang katotohanan. Sa mga pahayagang pangkampus, hinuhubog ng karanasan ang mga kabataang mamamahayag tungo sa mas malalim na pag-unawa at paninindigan sa katotohanan. Ngunit sa bawat artikulong nailalathala at sa bawat talumpating isinulat para sa kapakanan ng mas nakararami, pinatutunayang hindi kayang patahimikin ang panulat na tapat sa bayan.
Hindi lamang mga propesyonal na mamamahayag ang tagapagdala ng diwa ng press freedom. Ang bawat kabataang may lakas ng loob na magsulat tungkol sa kawalang hustisya, ang bawat g**o na nagtuturo ng pagbasa at pagsusuri, at ang bawat mamamayang marunong kumilatis ng impormasyon ay bahagi ng mas malawak na laban para sa katotohanan. Ang kalayaan sa pamamahayag ay nakaugat sa kolektibong pagkilos at paninindigan ng sambayanan. Hindi ito natatapos sa pagkakaroon ng malayang midya o pamamahayag, bagkus ito ay nagiging ganap lamang kapag ang bawat isa ay may kakayahan at lakas ng loob na gamitin ito para sa kabutihang panlipunan.
Habang may mga taong pumipili ng tahimik na pagtalikod sa totoo, may mga mamamahayag na patuloy ang paglalakad sa landas ng liwanag; hindi dahil madali, kundi dahil ito ang tama. At habang may iisang panulat na tumatangging mapatid, habang may iisang tinig na tumatangging mapawi, mananatiling buhay at lumalaban ang diwa ng isang malayang pamamahayag.
๐๐๐ญ๐ข๐จ๐ง๐๐ฅ ๐๐๐ฆ๐ฉ๐ฎ๐ฌ ๐๐ซ๐๐ฌ๐ฌ ๐
๐ซ๐๐๐๐จ๐ฆ ๐๐๐ฒ - Hulyo 25, 2025
Akda ni Zamir John L. Malayas
Kartun ni Penelope Faye C. Castro