11/05/2024
My Mothers’ Day Entry
Saloobin ng isang Ina
Walang magulang ang hindi gagawin ang lahat para sa anak. Walang ina ang hindi mag sasakripisyo para sa ikabubuti ng mga anak. Walang ina ang hindi ipaglalaban ang mga anak sa anumang kapahamakan o pang-aapi. Lahat ng mga ina ay may kanya-kanyang karanasa at pinagdaanan para mailagay sa mabuti at ipagtanggol ang mga anak.
Hayaan nyong ibahagi ko ang ilan sa mga naranasan ko at saloobin bilang isang ina sa aking mga anak. Masakit sa isang ina, sa akin na makitang nasaktan o sinaktan ang aking mga anak.
Nangyari ito ilang taon na ang lumipas. Mga naranasan sa loob ng paaralan, hindi dahil sa mga kalaro, kaklase o school mates, kundi dahil sa ilang mga g**o. Andyan yong nagkamali si titser sa pagbibigay ng grades. Sa halip na grade ng anak ko ang isulat sa kanyang card ay grade ng kasunod ng pangalan nya ang naisulat. Wala naman sanang problema dito dahil madali lang namang solusyunan. Ngunit ang hindi maganda ay yong pagpunta sa naturang titser pero parang balewala lang ang nangyari. Hindi na nga humingi ng pasensya, parang wala lang silang kaharap na magulang na may complain. Dahil ba sa hindi kami kilala? Na kami ay nobody? Hindi mapera? at hindi pasipsip? Ganunpaman, napalitan din naman ang mga grades na mali. Isang pangyayari pa (na lately na lang sinabi ng anak ko) ay yong pagsabihan ng hinding-hindi magandang salita na magmumula sa bibig ng isang g**o, na inappropriate sa edad ng bata. Napakasamang salita na talaga namang nakakababa ng pagtingin sa pagkatao. Never kong naisip na masasabi ito ng isang g**o. At lalong hindi ko ma imagine na masasabi nya ang ganun,( parang wala naman sa pagkatao nya ) at magkakilala kami. Kung may pagkakamali man ang bata, sana pinagsabihan ng maayos at pinangaralan, hindi pagsasalitaan ng nakakarindi sa tainga lalo ng isang magulang (mabuti na lang at graduate na ang anak ko nong sinabi nya sa akin). Mabuti na lang at matibay ang loob ng bata. Ngunit ang pinakamasakit ay ang makita at marinig ko mismo na pinagagalitan ang anak ko. Hindi alam ng g**o na nandoon ako at naririnig ko. Nakita ko ring umiiya ang bata. Dito, dito talagang napaiyak na ako. Alam kong may mali ang bata. Pero napagalitan na nga, di pa binigyan ng chance na makapag perform. Hindi ako kunsintidor sa mga mali ng mga anak ko. Pero maraming paraan para mapagsabihan at mapangaralan ang isang bata/learner. Mataas ang tingin ko sa kanya. Pero sa totoo lang, matagal kong kinimkim ang sama ng loob ko sa kanya. Naiisip ko, kung sa nga anak ko nangyari yon na magkakakilala kami, paano na lang ang iba na di kilala, mas walang kakayanang mag reklamo?
Alam ko naman na di lahat ng g**o ay tulad nila. Kaya sana, mga mahal nating g**o, h’wag naman sana na sa inyo pa nagsisimula ang pambu-bully ng mga estudyante. Napakalaking impact sa mental health ng ating mga bata. H’wag ng antayin na may masamang mangyari bago pa mabuksan ang isipan sa mga maling nagagawa o nasasabi sa ating mga learners.