15/04/2021
BREAKING | Aprubado na ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ngayong araw, Abril 15 ang kahilingan ng lungsod ng Puerto Princesa na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang limang barangay sa lungsod na may matataas na kaso ng COVID-19.
Ayon sa sulat ng RIATF kay Mayor Lucilo Bayron, sang-ayon silang isailalim sa Critical Zone (CrZ) o ECQ ang limang barangay kabilang ang San Jose, San Manuel, San Pedro, San Miguel, at Santa Monica dahil sa lumolobong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ipatutupad ang CrZ o ECQ sa naturang mga barangay simula bukas, Abril 16 hanggang Abril 30, 2021.
Ayon naman kay City Administrator Atty. Arnel Pedrosa, sa pagpapatupad ng CrZ o ECQ ay hindi na pahihintulutan ang mga residente sa naturang mga lugar na lumabas sa ECQ area, ngunit papayagang lumabas ang mga indibidwal na may trabaho o mga bibili ng pagkain at gamot.
"Kung wala namang gagawin sa labas dapat sa loob lang ng bahay pero pinapayagan naman yung movement within the ECQ area pero hindi sila pwedeng pumunta sa labas ng ECQ (area). Kung mga workers sila, hindi na kailangan ng pass ipakita lang nila yung id nila. Papayagan naman natin yung mga bibili ng pagkain o gamot," ayon kay Atty. Arnel Pedrosa, city administrator.
Nakatakda namang maglabas ng guidelines ang City Government kaugnay ng mga panuntunan na dapat na sundin sa pagpapatupad ng ECQ sa limang barangay. || Ben Ortega, Alpha News Philippines